MANILA, Philippines- Hinimok ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Rep. Jil Bongalon ang House Committee on Basic Education and Culture at ang House Commitee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng joint motu proprio inquiry ukol sa “ghost beneficiaries” Senior High School (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd).
Ang aksyon ay hiniling ni Bongalon base na rin sa lumabas na report na may private schools ang naglilista ng non-existent students mula pa noong 2016.
“Ilang taon na pala ang ghosting modus na ito. Kailangan nating silipin kung nasaan ang butas,” ani Bongalon.
Sinabi ni Bongalon na bagama’t nagkaroon na ng inisyatiba si Deped Secretary Sonny Angara na magkaoon ng internal probe sa 12 private schools na nakitang nagsusumite ng bogus enrollees ay dapat pa ring magkaroon ng parallel investigation ang Kamara.
Una nang lumabas na sa school year 2023 hanggang 2024 ay nasa ₱52 million halaga ng voucher ang naibigay sa ghost enrollees.
“A congressional probe would complement DepEd’s efforts, allowing the House committees to summon not only school administrators but also present and former DepEd officials,” paliwanag ni Bongalon.
Layunin ng pagkakaroon ng SHS voucher program na “ma-decongest” ang mga public school sa pamamagitan ng pagbibigay oportunidad sa mga estudyante na makapag-enroll sa private schools.
“Ang SHS voucher program ay magandang programa, pero kung madaraya ito, nasasayang ang budget,” pagtatapos ni Bongalon. Gail Mendoza