Home NATIONWIDE Magsasaka Party-list nominee ligtas matapos ‘dukutin’

Magsasaka Party-list nominee ligtas matapos ‘dukutin’

MANILA, Philippines- Ligtas na si Magsasaka Party-list nominee Lejun Dela Cruz at ginagamot sa ospital matapos makaligtas sa assassination attempt at umano’y pagdukot sa Cainta, Rizal nitong Linggo.

Ayon sa Magsasaka Party-list, pinagbabaril ng mga indibdiwal na nakasakay sa dalawang motorsiklo at kulay grey na sedan ang sinasakyan ni Dela Cruz bandang alas-11 ng umaga sa Cainta, Rizal.

Dagdag nito, nakatakas si Dela Cruz, subalit hinabol siya ng gunmen at nawala hanggang dakong alas-4 ng hapon.

Nitong Linggo ng gabi, kinumpirma ng TikTok content creator at vice president ng National Federation of Labor na si Eli San Fernando, na buhay si Dela Cruz. 

“Buhay si Lejun Dela Cruz! Si Lejun Dela Cruz ay malapit kong kaibigan at kasama na nakikipaglaban para sa karapatan ng mga manggagawa at maliliit na Pilipino. Sinubukan syang ipatumba kaninang umaga pero nakaligtas at ngayon ginagamot sa hospital. Ipoproseso siya ngayon sa Marikina Police Station,” pahayag ni San Fernando.

Subalit, inihayag din niyang nadakip si Dela Cruz kahit na siya ang tinambangan.

“Siya na ang inambush, siya pa ang hinuli! Hindi kami tatahimik! Lalaban kami at mag-iingay pa lalo,” giit niya.

Samantala, mariing kinondena ng party-list ang pangyayari.

“This is a direct attack on democracy and the constitutionally protected right to political participation and free expression. Moreso, this not only endangers the life and safety of Lejun but also instills fear among those who seek to serve the people through legitimate and democratic means,” anito.

“The government must demonstrate its commitment to upholding justice by swiftly investigating this criminal act, identifying the perpetrators, and ensuring they are held accountable,” dagdag pa.

Wika pa, “We also call on the general public to remain vigilant and resolute in condemning acts of political harassment and violence. The abduction of one is an attack on all who believe in justice and freedom.”

Si Dela Cruz ang third nominee ng Magsasaka party-list sa May elections. RNT/SA