MANILA, Philippines- Magpapatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.
Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag-presyo na P0.70 sa kada litro ng gasolina habang bawas-presyo naman na P1.15 sa kada litro ng diesel at P0.90 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
May dagdag-bawas din sa presyo sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng madaling araw habang ang kompanyang CleanFuel ay ipatutupad alas-8:01 bukas ng umaga.
Ang ipatutupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Matatandaang nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng katiting na bawas-presyo na P0.80 sa kada litro ng gasolina, P0.20 sa kada litro ng diesel at P0.50 naman sa kada litro ng kerosene. JR Reyes