Home OPINION MAGTIPID NG TUBIG

MAGTIPID NG TUBIG

BUKAMBIBIG ng taumbayan ngayong panahong ito ang pagtama ng  El Niño sa bansa kung saan apektado na ang mga lalawigan sa Region 6 o Western Visayas, Region 4B o MiMaRoPa, Region 4A o CaLaBaRZon,  Region 9 o Zamboanga at iba pang rehiyon.

Sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, hindi bababa sa P1 bilyon pagkasira ng mga pananim sa mga lugar na ito bunsod sa kawalan at kakulangan ng tubig dulot ng kwaresmang ito.

Bagaman sinabi ng Department of Agriculture at National Irrigation Administration na a inabisuhan na nila ang mga magsasaka na magtanim ng high value crops na hindi nangangailangan ng sapat na suplay ng tubig subalit hindi pa rin umubra ito hinggil sa malawakang tama ng El Niño na apektado na rin maging ang ibang bansa.

Maging ang inuming tubig ng mga kababayan natin ay nagkukulang na rin kaya naman may ilang lugar na sa bansa ang nagpatupad nang pagrarasyon nito upang matugunan ang pangangailangan ng nasasakupan nila.

Oo nga’t kaliwa’t kanang programa ang ipinatutupad ngayon ng ilang ahensya ng pamahalaan lalo na ang pagsasaayos ng mga irigasyon upang may sapat na daloy ng tubig sa mga sakahan subalit marami pa rin ang nagrereklamong mga magsasakang hindi makatanim ngayon tagtuyot bunsod sa kawalan ng suplay nito.

Kaya naman ang ibig sabihin lang ay kailangan talagang tipirin ng bawat isa ang paggamit ng tubig hanggang sa sumapit ang panahon ng tag-ulan na inaasahan ng marami na darating sa Mayo base na rin sa pagtaya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration.

Hindi lang naman mga magsasaka ang kailangang gumawa nang pagtitipid sa paggamit ng tubig subalit ang kabuuan sa pamayanan dahil lahat naman ay apektado ng kakulangan sa suplay ng tubig.

Makatutulong ngayong kuwaresma na isantabi muna ang labis na paggamit ng tubig lalo pa’t nakararanas na ang karamihan ng sobrang tag-init. Ilan sa pwedeng gawin bilang pagtitipid ay ang paggamit ng ipinampaligong tubig bilang pambuhos sa toilet bowl at ang hindi muna paggamit ng inflatable pool sa mga tahanan na nangangailangan ng napakaraming tubig.

Ang mga ganitong hakbang, maliit man sa paningin natin, ay malaking pabor upang makatulong sa pagtitipid ng tubig.

Previous articlePANAGHOY NG ISANG AMA
Next articleTAGTUYOT