Home OPINION TAGTUYOT

TAGTUYOT

SUMAMPA na sa P1.6 bilyon ang pinsala na dinulot ng sobrang tagtuyot na dala ng El Niño sa limampung lalawigan sa buong bansa.   Mahigit 24,000 na magsasaka ang apektado at 14,000 na ektarya ng pananim ang naiulat na hindi na mapakikinabangan ang mga ani.   Wala pa tayo n’yan sa ‘peak’ o rurok ng El Niño ngayong 2024.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang El Niño ay nagdadala ng tatlong klase ng tagtuyot.  Dry condition, tapos dry spell at panghuli ang drought.   Lahat ng klase ng tagtuyot ay may mas mababang antas ng pag-ulan kaysa sa normal.   Inaasahan ng PAG-ASA na mahigit 77 lalawigan ang makararanas ng tagtuyot pagdating ng Mayo 2024.

Handa naman ang gobyerno na tumugon, at na-reconvene na ang Task Force El Nino, na pinangungunahan ng Department of National Defense, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health at National Economic and Development Authority.  Mayroon na raw mga konkretong plano na nakalatag para makaresponde agad sa mga pangangailangan ng apektadong mga magsasaka at agricultural workers.

Ilan sa mga gagawin ay ang pagpapakalat ng mga binhi na “drought resistant”, paglalagay ng mga artificial na lawa, pagpapabilis ng bayad sa crop insurance at  ayudang pwedeng ipadaan sa Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment at local government unit.

Sa akin lang naman, parang kulang ang mga sinasabing mga plano at sa aktwal na hinaharap ng mga magsasaka.  Sa mga napapanood at naririnig natin sa mga balita, halos umiyak na ang mga magsasaka mula Abra at Bulacan hanggang sa Mindoro at Negros, dahil bitak-bitak na ang kanilang mga palayan.   At kulang na kulang daw ang ibibigay sa kanila na crop insurance.   At ang mga ipinamimigay na mga bagong binhi ay syempre kailangan pang itanim bago anihin, na tatagal pa ng mga lima hanggang anim na buwan.

Paano na sila ngayon? Nalugi na nga sila ngayon, baon pa sa utang.  Saan sila kukuha ng pagkain, pantustos sa pag-aaral ng mga anak at iba pa nilang mga pangagailangan sa pamilya?

Maganda at mabuti nga na mayroong Task Force El Niño na nagpapaliwanag kung ano ang mga plano ng gobyerno.   ‘Yun nga lang, hindi pwedeng kainin ng mga magsasaka ang mga plano at mga pangako ng pamahalaan.

At panigurado, tataas pa ang presyo ng bigas bago matapos ang taon, dahil nga sa bagsak na ani ng palay, dahil sa tagtuyot.

Previous articleMAGTIPID NG TUBIG
Next articleCOMMISSION NG TNCs SA MGA TNVS, KONSUMISYON BA?