NAGLABAS ng hinaing ang ilang Transportation Network Vehicle Service o TNVS drivers/operators patungkol sa pangangailangang ma-regulate na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang commission rate ng transportation network companies sa kinikita nila.
Ayon kay Jun de Leon ng LABAN TNVS, 21 porsyento ang kinakaltas sa kanila mula sa kabuuang bayad na pasahe. At kapag may pasahero na person with disability o senior citizen ay sa kanila pa rin binabawas ang buong 20 persyento para sa mga ito.
Ibig sabihin kung ang pasahe ay P100, P21 ang commission ng TNC. At kapag may discount, may bawas pang P20 kaya ang suma, P59 na lang ang sa driver/operator.
Sa transportasyon kasi, ‘di ito kaparehas sa restaurant na pro-rated ang senior o PWD discount. Sa pasahe, basta isa sa pasahero ay senior citizen, buong 20 percent discount ang ibinibigay kahit hindi SC ang mga kasamang pasahero.
Ang tanong, may kapangyarihan ba ang LTFRB na i-regulate ang commission rate? Sa taxi o jeep, matagal nang hinihiling na i-regulate ang boundary system pero hanggang sa ngayon ay hindi ito magawa.
Ano ba ang mandato ng LTFRB?
Sa tingin ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, may basehan ang kahilingan ng LABAN TNVS sa LTFRB.
Ayon sa Executive Order 202 na bumubo sa LTFRB, nakasaad sa Section 5. (c) To determine, prescribe and approve and periodically review and adjust REASONABLE FARES, RATES AND OTHER RELATED CHARGES, relative to the operation of public land transportation services provided by motorized vehicles.
Ang commission ng mga TNC ay kasama sa “other related charges” na maaring isaayos o i-regulate ng LTFRB.
Kung hindi ito maaaksyunan ng LTFRB ay maaring napakataas na ang commission rate at kakagatin na lamang ito ng drivers kaysa mawalan nga naman sila ng hanapbuhay.
Dapat nang tingnan ito ng LTFRB dahil sa marami na ang accredited TNC at dumaragdag din ang numero ng mga TNVS.