Home OPINION SEAMEN, NATUTUTONG MAGDASAL SA BIYAHE

SEAMEN, NATUTUTONG MAGDASAL SA BIYAHE

HINDI na madali ang maging seaman o marino, lalo na sa mga barkong naglalayag, pumapasok at lumalabas sa Red Sea mula sa Bab al-Mandab at Gulf of Aden.

Nakapusta ang buhay ng mga ito kaya, sabi nila, natututo silang magdasal nang tunay at husto para sa kanilang kaligtasan.

Nasa pagitan ang Red Sea ng Saudi Arabia, Egypt, Sudan, Eritrea, Djibouti  at Yemen.

Sa Yemen nanggagaling ang panganib, lalo na ang mga pwersa ng Houthi na nagsasabing hanggang hindi natatapos ang pagsalakay ng Israel sa mga Palestino at Hamas sa Gaza Strip, hindi rin sila titigal sa pagsalakay sa mga barko na dumaraan sa kanilang mga karagatan, kabilang na ang Bab al-Mandab na nasa bunganga ng Red Sea mula sa south.

Pero, anak ng tokwa, umaabot ang mga pag-atake ng mga ito sa
Gulf of Aden at Arabian Gulf na papasaok naman sa Persian Gulf.

BUHAY NAKAPUSTA

Nakapusta ang buhay ng mga seaman, gaya ng dalawang kababayan natin na biktima ng missile attack ng mga Houthi sa barkong True Confidence na naglalayag sa Gulf of Aden na papasok sa Red Sea sa pamamagitan ng Bab-al-Mandab.

Habang tinitipa ito, wala pang balita kung natupok sa apoy o narekober na ang bangkay ng dalawa.

Nasa fuel storage ng barko kasi ang dalawa at ito ang tinamaan ng missile.

Nagliyab agad ang parteng ito at laking pasasalamat ng iba na wala sa lugar kundi sa ibang mga bahagi ng barko.

Nasa mabuting kalagayan ang tatlong sugatan at hindi nasaktan ang 11 pang ibang Pinoy.

Bago ito, magkakasunod na inatake ng mga Houthi ang ilang barko at isa sa mga ito ang tuluyan nang lumubog, ang Rubymar na pag-aari umano ng isang British company.

May apat na marinong Pinoy sa 23 crew nito pero bago pa lumubog ito, naligtas na sila lahat ng mga rescuer.

WALANG INSURANCE

May problema na malaki sa paglalayag.

Kasama rito ang pag-ayaw ng ilang malalaking insurance company na ipasok sa insurance ang mga barko, karga ng mga ito at mga crew.

Swerte lang ang mga barkong may insurance, pero paano ang mga wala nito?

Kaya naman, nagaganap pala ngayon ang pakikipag-usap ng mga kompanya ng barko sa mga seaman kung gusto nilang bumiyahe kapalit ng dagdag na sahod.

Dahil bibihira naman talaga ang namamatay o napiperwisyo, go lang ang mga Pinoy.

Sabi nila, delikado talaga pero sinisisid nila ang pagkakataon.

‘Yung mga pirata, magaan-gaan umano dahil may mga armado silang kasama sa mga barko laban sa mga ito, gaya ng tatlong armado na kasama ng mga Pinoy sa True Confidence.

Pero itong mga may missile, drone at helikopter, natutunan umano nila ang magdasal nang tunay.

Sana nga, magbunga lagi ang dasal para sa kanilang kaligtasan.
Previous articleCOMMISSION NG TNCs SA MGA TNVS, KONSUMISYON BA?
Next articleAmihan magpapaulan sa North, Central Luzon