Home OPINION PANAGHOY NG ISANG AMA

PANAGHOY NG ISANG AMA

“SANA huli na ang anak ko.Huling biktima na.”

‘Yan ang kahilingan ni Eutropio Cesista sa kanyang pagluluksa sa pagka-matay ng kanyang anak na si Hannah Jay, na dapat ay abogana na ngayon.

Ang kahilingang iyan ni Mang Eutropio ay para rin sa National Union of People’s Lawyers  na nag-recruit kay Hannah Jay na sumali sa kanila bagaman ‘di batid na kaalyado pala ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Si Hannah Jay ay kasamang napaslang sa enkwentro sa Bohol kamakailan lamang sa pagitan ng militar at NPA. Sa madaling sabi, nang ma-recruit ng NUPL, naipasa ang batang-batang si Hannah Jay sa kamay ng NPA.

Tapos ng abogasya ang batang Cesista, ngunit di pa nakakapanumpa upang maging ganap na abogada dahil nga na-recruit na ng NUPL at naging NPA kaya  humawak ng baril hanggang napatay sa enkwentro.

Panghihinayang na lamang, bukod sa kalungkutan, ang naibulalas ng kanyang ama nang mabalitaan ang nangyari sa anak, kaya naging ganoon na lang ang kahilingan kasama ang hinaing ni Mang Eutropio.

HIndi lang sa Cecista nangyari ito. May mga naunang nangyari, at marami na. Ang iba ay mag-aaral pa nga lang nang mahikayat na makiisa sa NPA at ginawang panlaban sa pamahalaan. Nasayang na kinabukasan ang kinahinatnan ng mga kabataang naengganyo ng mga komunistang-terorista.

Kailan matitigil ang ganitong kamalian, ang lokohin ang ating mga kabataan sa maling ideolohiyang ipinaglalaban? Walang ibang pinatutunguhan ang ginagawang ito ng NPA kundi kamatayan.

Ang alam lamang ni Mang Eutropio ay sumali ang kanyang anak sa NUPL dahil isa itong samahan ng mga abogado at mag-aaral ng abogasya. Sabi nga niya, bulag na silang buong pamilya bukod dito.

Kaya nabigla silang lahat nang mabalitaang napatay si Hannah Jay sa isang enkwentro sa Bohol. At lahat sila ay nagtatanong, paanong nangyari na si Hannah ay naging NPA?

Kailan lamang din nila nalaman na ang NUPL ay kaugnay at kaalyado ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF na matagal nang nanggugulo sa bansa. Ito ay nang mapatay na ang kanilang mahal sa buhay.

Habang kamakailan lamang ay nanawagan naman ang ama ng bansa na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembro ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na patuloy na hikayatin ang mga insurektos o mga rebelde na ibaba na ang kanilang mga armas at sumuko na para sa tunay na kapayapaan at higit sa lahat ay sa kanila ring kapakanan.

Sinabi ni Pangulong Bongbong na kaya ibinibigay ng pamahalaan ang amnestiya at upang mawala na ang kaguluhan sa bansa at may nakalaang programa lalo na sa pangkabuhayan at pabahay para sa mga magsisisuko.

Ano pa kaya ang hinihintay ng mga rebeldeng ito samantalang napakaganda na ng inihahaing programa sa kanila ng pamahalaan? Habang ang mga lugar naman na kanilang ginulo ay mabibigyan ng iba’t ibang proyekto tulad ng imprastraktura, paaralan at kung ano-ano pa upang mabago ang pagtingin nila sa tunay na malasakit mula sa pamahalaan.

Previous articlePNP AT DOH TUTOL SA PAGBEBENTA NG VAPE SA MENOR-DE-EDAD
Next articleMAGTIPID NG TUBIG