Home OPINION PNP AT DOH TUTOL SA PAGBEBENTA NG VAPE SA MENOR-DE-EDAD

PNP AT DOH TUTOL SA PAGBEBENTA NG VAPE SA MENOR-DE-EDAD

Mariing tinututulan ng Philippine National Police (PNP) at Department of Health (DOH) ang pagbebenta ng vape at iba pang e-cigarettes sa mga menor-de-edad.
Agad nagbaba ng direktiba si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa organisasyon upang bumuo ng patakaran hinggil sa naturang suliranin matapos makipag-ugnayan ni Health Sec. Teodoro Herbosa.
Sa isang press briefing, sinabi ni Acorda na si Maj. Gen. Ro­nald Lee ang kanyang inatasang lumikha ng nasabing patakaran na may layuning mapangalagaan ang kapakanan ng mga menor-de-edad at mahuli ang mga iligal na nagbebenta ng vape.
Nakaplanong maglunsad ang PNP ng isang media-driven community awareness campaign upang ipamulat sa publiko lalo na sa mga kabataan ang negatibong epekto nito sa katawan.
Hinihikayat naman ni Herbosa si Acorda na maghigpit sa pagpapatupad ng Republic Act (RA) 11900 na nagbabawal sa pagbebenta ng vape sa mga edad 18 pababa.
Nauna ng sinuportahan ng DOH ang panukala ni Finance Secretary Ralph Recto na ipagbawal na ang paggamit ng dispo­sable vapes o uri ng electronic smoking device na hindi na kaila­ngang i-charge, gawa sa plastik na materyales at ginagamitan ng baterya na hindi madaling mai-recycle.
Nagbigay ang DOH ng ilang karamdaman at kundisyon na maaaring maidulot ng disposable vapes at vapos products, katulad ng e-cigarette or vapor product associated lung injury o EVALI, sakit sa puso at pagka-adik sa nikotina.
Ayon din kay Recto, ang disposable vape products ay hindi rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI) at hindi nagbabayad ng excise tax.
Sa pahayag naman ng DOH noong ika-6 ng Marso, sinabi nitong dapat ng ipagbawal ang lahat ng klase ng vapes dahil sa masamang dulot nito sa katawan at kapaligiran.

Previous articleGuro at 2 kasama arestado sa droga
Next articlePANAGHOY NG ISANG AMA