MANILA, Philippines – Inirekomenda ng pulisya ang isang 16-anyos na babae na sumailalim sa psychiatric exam matapos nitong saksakin ang sariling magulang na mahigpit na tumututol sa pakikipagrelasyon nito sa isang 23-anyos na lalaki.
Ang insidente ay nangyari sa Purok 5 Bliss sa Barangay Buru-un, Iligan City nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Police Major Zandrex Panolong, spokesperson Iligan City Police Office, pinatay ng suspek ang ilaw sa kwarto ng kanyang mga magulang saka unang sinaksak ang kanyang ama at isinunod ang kanyang ina.
Sa nangyaring komosyon ay nasugatan din sa kamay ang suspek.
Agad na dinala sa ospital ang mga biktima kung saan masusing minomonitor ang mga ito.
Nakita sa inisyal na imbestigasyon na plano na ng suspek na patayin ang kanyang mga magulang kahit na mismong boyfriend na nito ang pumipigil na gawin ang krimen.
Dagdag pa ni Panolong, sinabi ng suspek sa mga imbestigador na “a voice seemed to whisper to her to pursue her plans.” RNT/JGC