MANILA, Philippines – Aabot sa 1.7 milyong indibidwal ang apektado ng El Niño phenomenon, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado, Abril 20.
Ang mga ito ay mula sa Regions 2, 3, Mimaropa, 5, 6, 7, 9, 12 at Cordillera Administrative Region, ayon kay DSWD spokesperson and Assistant Secretary for Legislative Affairs Irene Dumlao sa panayam ng DZBB.
“Batay sa patuloy na pagmo-monitor ng DSWD through our field offices, babantayan natin ang movement or development ng families and affected persons,” ani Dumlao.
“Medyo tumataas po ang biling ng mga apektado,” dagdag pa niya.
Sa ngayon ay wala pa namang inilikas o nawalan ng tirahan dahil sa El Niño.
Ani Dumlao, patuloy ang pamimigay ng DSWD ng family food packs at financial assistance, sa mga apektadong residente.
“Unang-una, ang DSWD ay mayroong mga ibinabahagi na family food packs. Ito ay bahagi ng humanitarian response doon nga sa mga lugar na naapektuhan ng El Niño. Lalo na ‘yung mga pamilya na nakakaranas ng kakulangan sa pagkain dahil sa tagtuyot o severe drought,” aniya.
“In fact, ang DSWD ay nakapamahagi na nang mahigit P58 million worth of family food packs dito sa mga lugar na naapektuhan,” dagdag ni Dumlao. RNT/JGC