MANILA, Philippines – Umabot sa 12,029 examinees ang sumabak sa unang araw ng 2026 Bar Examinations nitong Linggo, Setyembre 6, ayon sa Korte Suprema.
Sinabi ng SC na kumuha ng pagsusulit ang mga examinee sa 15 local testing centers sa buong bansa.
Pinakamaraming examinee ang naitala sa University of San Jose-Recoletos na may 1,326, na sinundan ng New Era University na may 1,277, San Beda University, 1,151; Ateneo de Davao University, 1,144; at Saint Louis University, 1,132.
Sa mga kumuha ng unang araw ng eksamen, 45.9% ang mga first-time takers, 29.5% ang mga dating kumuha na, at 24.6% naman ang mga refresher.
Mas marami ang babaeng examinee sa day 1 na may 6,773 habang 5,256 naman ang mga lalaki.
Ayon sa SC, 24-anyos ang pinakabatang examinee habang 84-anyos naman ang pinakamatanda.
Iniulat din ng Korte Suprema na 304 persons with disabilities at 285 ang senior citizens ang kumuha ng pagsusulit.
Batay sa datos ng Korte Suprema, umabot sa 13,441 examinees ang pinayagang kumuha ng Bar Examinations ngayong taon.
Gaganapin ang 2026 Bar Examinations sa Setyembre 6, 9 at 13 sa 15 testing centers sa buong bansa kung saan pito sa Metro Manila, tatlo sa Luzon, tatlo sa Visayas at dalawa sa Mindanao. Jocelyn Tabangcura-Domenden