MANILA, Philippines – Suportado ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magkaisa ang national at local governments at iwasan ang pulitika sa pagpapatupad ng mga proyekto laban sa pagbaha.
Sinabi ni Yamsuan na dapat ding tiyaking magkakaugnay ang mga local flood mitigation project at ang pangmatagalang national flood management program upang hindi masayang ang pondo ng gobyerno o mailipat lamang sa ibang lugar ang problema sa baha.
“Tulad ng sinabi ni Secretary Jonvic, dapat ay magkaisa tayong lahat sa gobyerno para masolusyunan na once and for all ang matagal na nating tinitiis na problema sa pagbaha,” ani Yamsuan.
Suportado rin aniya niya ang panawagan ni DILG Secretary Jonvic Remulla para sa “zero politicking” upang matiyak na maayos ang paggamit ng pondo at nasusunod ang mahigpit na pamantayan sa mga flood mitigation project.
Kasabay nito, isinusulong ng kongresista ang paggamit ng science-based solutions sa pagtugon sa matagal nang problema sa pagbaha.
Nakatakda siyang makipagpulong sa mga kinatawan ng Philippine Space Agency (PhilSA) upang talakayin kung kailangan ng karagdagang pondo para mapalakas ang satellite technology at artificial intelligence capabilities ng pamahalaan sa pagmamanman at pagtatasa sa mga disaster-prone area.
Miyembro si Yamsuan ng House Budget Amendments and Review Subcommittee na tatalakay sa posibleng institutional amendments sa panukalang 2027 national budget matapos ang committee-level budget briefings.
Ayon kay Yamsuan, mahalaga ang paggamit ng teknolohiya upang makakuha ang national government at mga local government unit ng mas mabilis at kapaki-pakinabang na impormasyon sa paghahanda at pagtugon sa baha at iba pang epekto ng climate change.
Tinukoy rin niya ang kahalagahan ng Parañaque Spillway Project na idinisenyong maglabas ng sobrang tubig mula Laguna de Bay patungong Manila Bay.
Nagpahayag si Yamsuan ng pangamba na ang Manggahan Control Gate Structure sa Marikina, kapag natapos, ay maaaring magdagdag ng malaking volume ng tubig na dumadaloy patungong Laguna de Bay at posibleng makapagpalala ng pagbaha sa Parañaque at mga karatig-lugar kung walang kaukulang drainage intervention.
Nauna nang sinabi ng Department of Public Works and Highways na nakumpleto ang bagong disenyo ng Parañaque Spillway upang tugunan ang mga pangamba kaugnay ng posibleng displacement ng mga pamilya sa Muntinlupa at posibilidad na mailipat ang panganib ng pagbaha sa Bacoor, Cavite.
“Local flood mitigation projects should seamlessly integrate into the national government’s long-term flood management plan so as not to waste public funds and also to make sure that solutions implemented in one area do not create new problems in another,” ani Yamsuan.