Lungsod ng Malolos, Bulacan – Pinatunayang seryoso ang mga awtoridad sa kampanya kontra “open pipe” na sobrang ingay nang wasakin ang nasa mahigit 1,000 kumpiskadong tambutso sa Camp Alejo Santos nitong umaga ng Enero 15 sa lalawigang ito.
Pinangunahan mismo nina Governor Daniel Fernando at PCOL Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan police kasama ang mga hepe ng mga istasyon ang pagwasak sa mga tambutso.
Sinundan ito nang paulit-ulit na pagsagasa ng pison para tiyakin mawasak ang mga iskandalosong tambutsong ito.
Nabatid na nanguna ang Pandi police station sa pinakamaraming nakumpiskang open pipe katuwang ang iba pang istasyon gaya ng Plaridel, Santa Maria, San Jose Del Monte police station at iba pang istasyon.
Sinasabing halos lahat ng istasyon ng pulisya sa mga bayan at ilang lungsod ay walang humpay ang kanilang operasyon kontra open pipe na sobrang ingay at lumilikha ng noise pollution. Dick Mirasol III