Home NATIONWIDE Mahigit 1K PDL napalaya

Mahigit 1K PDL napalaya

MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 1,004 na persons deprived of liberty (PDL) ang nakalaya na mula Hunyo 13 hanggang Hulyo 3 o wala pang isang buwan.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), dahil dito, nasa kabuuang 24,583 ang napalaya na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang mga napalaya na PDL ay napawalang sala, nabigyan ng probation, parole, nakapaglagak ng cash at bail bonds o nagpaso na ang sentensya.

Karamihan sa mga napalaya ay mula sa New Bilibid Prison (NBP) na nasa 256 na PDL; Correctional Institution for Women (CIW) na nasa 52 ang bilang; Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) – 109; CIW-IPPF – 1; CIW- Mindanao – 10; Davao Prison and Penal Farm – 136; Leyte Regional Prison – 50; NBP-Reception and Diagnostic Center – 9; Sablayan Prison and Penal Farm – 110; at San Ramon Prison and Penal Farm – 113.

Samantala, pinangunahan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pagpapasinaya at turnover ng Bureau of Immigration Warden Facility sa BuCor compound sa Muntinlupa City.

Ito ang magsisilbing temporary facility sa mga nahuhiling dayuhan na sumasailalim sa deportation proceedings. TERESA TAVARES