Home HOME BANNER STORY Mahigit 3 milyong indibidwal apektado ng habagat, bagyong Egay at Falcon –...

Mahigit 3 milyong indibidwal apektado ng habagat, bagyong Egay at Falcon – NDRRMC

MANILA, Philippines -Umabot na sa kabuuang 806,812 pamilya o 3,031,909 indibidwal ang naapektuhan ng southwest monsoon o habagat na pinalakas ng bagyong Egay at Falcon, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, Agosto 5.

Sa pinakahuling situational report, sinabi ng NDRRMC na ang mga apektadong residente ay nagmula sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, 5, 6, 8, 10, 11, 12, BARMM, CAR, at NCR.

Sa apektadong pamilya, 13,779 dito o 51,593 katao ang nasa 648 evacuation centers, habang 57,985 na pamilya naman o 233,609 ang tumutuloy sa ibang lugar o mga kaanak.

Samantala, 17,349 katao mula sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, at Region 6 ang “preventively evacuated.”

Nananatili naman sa 29 ang bilang ng mga nasawi kung saan dalawa pa lamang dito ang kumpirmado.

Mayroon namang iniulat na mga nasaktan na 165 katao.

Labing-isang indibidwal naman ang nawawala.

Aabot naman saa kabuuang 396 road sections at 33 na tulay ang naapektuhan ng habagat at dalawang bagyo.

Nakataas pa rin ang state of calamity sa 232 lungsod at munisipalidad mula sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA at CAR. RNT/JGC