Home NATIONWIDE Mahigpit na seguridad inilatag sa Cebu sa pagdalo nina PBBM, VP Sara...

Mahigpit na seguridad inilatag sa Cebu sa pagdalo nina PBBM, VP Sara sa Palarong Pambansa

MANILA, Philippines – Asahan ang mahigpit na seguridad sa opening ceremony ng 2024 Palarong Pambansa sa Hulyo 9 sa Cebu City Sports Center (CCSC).

Ayon sa Cebu City Police Office (CCPO), mas magiging mahigpit ang seguridad kaysa sa nakasanayan dahil dadalo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Hinimok naman ni Police Lt. Col. Janette Rafter, deputy city director for administration ng CCPO, ang publiko na huwag magdala ng malalaking bag kung papasok sa CCSC.

Ani Rafter, magbibigay ang CCPO ng lugar at route security habang ang Presidential Security Group naman ang magsisiguro sa seguridad sa loob ng CCSC.

Aniya, ipakakalat ang team mula sa Civil Disturbance Management sa oras na magkasa ng kilos-protesta ang mga militanteng grupo.

Papayagan ang mga grupo na magsagawa ng programa basta’t ito ay malayo sa CCSC.

“We will observe maximum tolerance but we will encourage groups to abide by the regulation.”

Nakafull-alert na mula pa noong Hunyo 30 ang Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7) bilang bahagi ng security preparations para sa Palarong Pambansa.

Sinabi ng PRO-7 na wala itong namomonitor na mga banta na posibleng makagulo sa Palaro.

Pinangunahan ni Police Col. Noel Flores, deputy regional director for operations ng PRO-7, ang inspeksyon ng CCSC grounds bilang bahagi ng deployment plan. RNT/JGC