Home NATIONWIDE Mahihirap na estudyante prayoridad sa subsidy program sa SHS-VP – Gatchalian

Mahihirap na estudyante prayoridad sa subsidy program sa SHS-VP – Gatchalian

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na bibigyan ng prayoridad ang mahihirap na estudyante sa subsidy program ng pamahalaan na nag-aaral sa senior high school sa pribadong paaralan na nakatala sa 2025 budget.

Sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, na prayoridad ang mga pinakanangangailangang mag-aaral sa pagpili ng benepisaryo ng government subsidy programs sa pribadong paaralan.

Nakasaad sa 2025 national budget ang panukalang amendment ni Gatchalian sa special provision ng Government Assistance and Subsidies sa ilalim ng pondo ng Department of Education (DepEd).

Sinasabi sa naturang probisyon na bibigyan ng prayoridad sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) at Educational Service Contracting (ESC) Program ang mga mag-aaral mula sa mga pinakanangangailangan o pinakamahihirap na kabahayan.

Nakasaad din sa naturang special provision na bibigyang prayoridad sa ESC ang mga mag-aaral mula sa mga nagsisiksikang pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng ESC program, binabayaran ng gobyerno ang tuition at iba pang fees ng mga sobrang mag-aaral sa mga nagsisiksikang junior public high schools na papasok sa mga pribadong paaralang katuwang ng DepEd.

Sa ilalim naman ng SHS-VP, nakakatanggap ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng vouchers system ang mga kwalipikadong SHS learners mula sa nakikilahok na pribado at non-DepEd schools.

Sa taong ito, P12.077 bilyon ang nakalaan sa ESC, habang P27.024 bilyon ang nakalaan para sa SHS-VP.

Noong nakaraang taon, pinuna ni Gatchalian ang 68% na mga benepisyaryo ng ESC noong School Year (SY) 2020-2021 na mula sa non-poor households.

Limampu’t siyam na porsyento naman ng mga ESC recipients noong SY 2019-2020 ang nagmula sa non-poor households.

Tinataya ng tanggapan ni Gatchalian na umabot sa P8.6 bilyon ang leakage ng ESC program.

Batay ito sa pagsusuri ng tanggapan ng senador gamit ang datos ng Annual Poverty Indicators Survey (APIS) para sa 2020 at 2022.

Base sa katulad na datos mula sa 2020 at 2022 APIS, natuklasan din ng tanggapan ni Gatchalian na 70% ng SHS-VP beneficiaries noong SY 2020-2021 ay mula sa non-poor households.

Para sa school year na ito, P7.21 bilyon o 53% ng P13.69 bilyon na inilaan para sa SHS-VP ang napunta sa mag-aaral na hindi naman bahagi ng pinakamahihirap na pamilya.

Noong SY 2019-2020, 64% ng mga SHS-VP beneficiaries ang nagmula sa mga household ng mga pinakamahihirap na pamilya. Sa taong iyon, P7.30 bilyon o 39% ng P18.76 bilyong inilaan para sa SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learners. Ernie Reyes