Home HOME BANNER STORY Ruta ng prusisyon ni Jesus Nazareno inilatag

Ruta ng prusisyon ni Jesus Nazareno inilatag

MANILA, Philippines- Inilabas na ng pamunuan ng Basilica Minor ng Pambansang Dambana ng Jesus Nazareno ang ruta ng daraanan ng prusisyon ng Traslacion sa Enero 9.

Sa ginanap na press conference para sa paghahanda sa Traslacion 2025, sinabi ni Alex Irasga, ang adviser ng komite ng Kapistahan ng Quiapo na nasa 5.8 kilometro ang tatahakin ng prusisyon mula sa Quirino Granstand patungong dambana ni Jesus Nazareno.

Ayon kay Irasga, mula sa Quirino Grandstand, kakaliwa sa Katigbak Drive, kanan sa Padre Burgos Street saka didiretso ng Finance Road at diretso sa Ayala Bridge hanggang sa kumaliwa sa Palanca St.

Kakanan naman sa Quezon Boulevard, kanan muli sa Arlegui Street at kanan sa Fraternal Street. Pagsapit sa Duque de Alba Street ay kakaliwa saka muling kakaliwa sa Castillejos Street at kaliwa sa Farnecio St .

Pagkatapos nito, kakanan sa Arlegui Street, kaliwa sa Nepomuceno Street at kaliwa sa Concepcion Aguila St. saka kakanan sa Carcer St.

Pagkatapos nito ay kakanan sa Hidalgo sa pamamagitan ng Plaza dell Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo sa pamamagitan ng Gil Puyat, kaliwa sa J.P de Guzman St., kanan sa Hidalgo St., kaliwa sa Quezon Blvd., kanan sa Palanca St.,  diretso sa ilalim ng  Quezon Bridge, kanan sa Villalobos at diretso sa Plaza Miranda patungong Quiapo Church.

Ang pagdiriwang ng Traslacion 2025 o Nazareno 2025 ay may temang: “Mas mabuti ang pagsunod kaysa paghahando  sa mga umaasa kay Jesus.”

Ang Traslacion ay katulad pa rin ng ruta ng prusisyon noong nakaraang taon kung saan anim na tulay ang daraanan nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden