MANILA, Philippines- Nagsagawa ng kanilang global proclamation rally ang Makabayan coalition, kasama ang Bayan Muna party-list, sa Hong Kong nitong Linggo, kung saan hinimok ng senatorial candidates ng koalisyon ang mga botante na maghalal ng mga pinunong prayoridad ang kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino.
Dumalo ang tatlo sa 11 senatorial hopefuls ng koalisyon sa event: sina Gabriela Rep. Arlene Brosas, dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, at dating Gabriela Rep. Liza Maza.
“Ang pipiliin yung kumakatawan sa atin at ipagtatanggol yung ating karapatan,” wika ni Casiño.
“Yung election tratuhin natin na parang political statement. Huwag nating tratuhin sugal ang election na kung sino ang panalo, yun yung iboboto mo,” dagdag ni Casiño.
Samantala, hinimok ni Maza ang mga botante na busisiin ang political platforms ng mga kandidato, binigyang-diin ang pagsusulong ng Makabayan coalition ng nationwide P1,200 minimum wage. Sa kasalukuyan, ang daily minimum wage sa National Capital Region ay P645 para sa non-agricultural workers.
Iginiit naman ni Brosas ang commitment ng koalisyon sa pagtutulak ng mga panukala para sa mga kababaihan, kabataan, LGBTQIA+ rights, at karagdagang allowance para sa Violence Against Women and Children (VAWC) desk officers.
Binigyang-diin ni Bayan Muna party-list first nominee Neri Colmenares ang kahalagahan hindi lamang ng kaalaman sa plataporma ng mga kandidato kundi kanilang track record at paninindigan sa mahahalagang isyu.
“Gawing nating issue sa election ang mahahalagang usapin ng taong bayan,” wika ni Colmenares.
Nangako rin ang Bayan Muna party-list na sisikaping mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin, pagbibigay ng libreng public services, pagprotekta sa kalikasan, at pagtitiyak na mabebenipisyuhan ng public funds ang general population. RNT/SA