
NABIGYAN ng pamahalaan ng bagong oportunidad sa pamamagitan ng “Trabaho sa Bagong Pilipinas” job fair sa Maynila ang mga nagsipagtapos na mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang makaahon mula sa kahirapan sa pagtutulungan ng mga tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor.
Ang job fair, na inorganisa ng Office of the President, Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang Department of Agriculture (DA) at iba pang tanggapan ng pamahalaan, ay nag-alok ng humigit-kumulang na 4,476 bakanteng trabaho mula sa 96 kalahok na employer.
Batay sa paunang ulat ng DOLE National Capital Region (NCR), 114 na naghahanap ng trabaho mula sa 2,114 rehistradong aplikante ang na-hire on the spot sa ginanap na job fair.
Ang kaganapan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagsamahin ang mga programa ng pamahalaan sa iisang lugar para matiyak na ito ay abot-kamay, ang mga benepisyo ay higit na napapakinabangan at makalikha ng positibong epekto sa buhay ng mga benepisyaryo at kanilang mga pamilya.
“Pinalawig namin nang mas dumami pa ang ating mga kababayang may kakayahang tugunan ang kanilang sariling mga pangangailangan, dahil ibig sabihin nito ay higit na marami pa ang mag-aambag sa pagpapaunlad ng ating bansa,” pahayag ni Special Assistant to the President Anton F. Lagdameo, Jr., bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaganapan.
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma na ang kaganapan ay hudyat ng pagsisimula ng pinalawak at pinalakas na paghahatid ng mga serbisyo at programa ng administrasyong Marcos Jr. upang lubos na matulungan at maiangat ang mga benepisyaryo ng 4Ps mula sa kanilang kasalukuyang kalagayan.
“Ating inilunsad at isinasagawa ang isang sama-samang pagkilos upang tugunan ang kalagayan ng ating 4Ps beneficiaries sa pangkalahatan, tungo sa pag-aangat ng antas ng kanilang pamumuhay at kabuhayan upang maging produktibong bahagi ng ating lipunan,” aniya.