Home NATIONWIDE Makabayan bubuo ng full Senate slate para sa Eleksyon 2025 

Makabayan bubuo ng full Senate slate para sa Eleksyon 2025 

MANILA, Philippines- Sinabi ng Makabayan coalition nitong Huwebes na kasalukuyan itong nasa proseso ng pagplantsa sa listahan ng 12 senatorial candidates para sa darating na 2025 mid-term elections.

Inihayag ng grupo na bubuo ito ng full slate ng mga progresibong kandidato na nakaugat ang prinsipyo sa pagtatatag ng komprehensibong mga programa na tutugon sa mga panawagan para sa kaunlaran ng lipunan, pagrespeto sa mga karapatan at full national sovereignty.

“Nagsimula na kami ng proseso ng pagbubuo ng slate at masasabing marami ang kinukunsidera para sa pagtakbo,” pahayag ng Makabayan, na sinabing ito ay ikakasa sa ilalim ng “oposisyon ng bayan”, (the people’s opposition).

“Hindi sila mula sa angkan ng mga mayayaman o mga dinastiya sa pulitika. Hindi kurap, hindi tagapagtanggol ng interes ng iilan. Maipagmamalaki namin na mula sila sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, mangingisda, katutubo at ibang sektor na matagal nang tinatanggalan ng boses sa kongreso,” pahayag pa nito.

Anang Makabayan, ang kanilang senatorial candidates ay mayroong paninindigan, magandang track record, at maigting na suporta para sa masa. 

Una nang inanunsyo ng grupo na si outgoing ACT Teachers Party-list Rep. France ang una nitong kandidato para sa Senado sa halalan sa susunod na taon.

Sa isang press conference nitong Huwebes, sinabi ni Makabayan member at dating Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares na ipaprayoridad ng grupo ang sarili nitong prospective candidates; subalit, hindi umano sinasaraduhan ang pinto para sa mga kandidato mula sa ibang political affiliations na may parehas na prinsipyo.

“Ang oposisyon ng bayan na kailangan ngayon ay hindi lamang sa usapin ng pagtunggali sa nakaupong administrasyon kundi oposisyon sa umiiral na sistemang pinaghaharian ng at pinakikinabangan ng iilang dinastiyang pulitikal, malalaking negosyante, panginoong maylupa at mga imperyalista,” giit ng Makabayan.

“Sa darating na halalan, taos-puso naming iniaalay sa mamamayang Pilipino ang Makabayan, oposisyon ng bayan, tagapagsulong ng bagong pulitika, at tagapagtaguyod ng plataporma ng tunay na pagbabago,” dagdag nito. RNT/SA