Home NATIONWIDE PBBM: P10B ginamit para sa Calabarzon dev’t plan mula 2023 ‘gang 2024

PBBM: P10B ginamit para sa Calabarzon dev’t plan mula 2023 ‘gang 2024

MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginamit na ang P10 bilyon para sa Philippine Rural Development Plan ng Region IV-A mula sa taong 2023 hanggang 2024.

“Ngunit, higit pa po sa mga tulong at serbisyong ito, kami po ay patuloy na kumikilos upang palakasin ang ekonomiya ng Calabarzon,” ayon kay Pangulong Marcos sa isinagawang pamamahagi ng presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda at pamilya sa Batangas.

“Mula noong 2023 hanggang 2024, nakapagbigay na po tayo ng halos sampung bilyong piso para sa Philippine Rural Development Plan dito sa Region IV-A,” patuloy ni Pangulong Marcos.

Tinuran ng Pangulo na kabilang sa nagpapatuloy na proyekto sa rehiyon ay ang Taal Lake Circumferential Road at ang Lobo Malabrigo – San Juan Laiya Road sa Batangas at Quipot Irrigation Project and Macalelon Irrigation Project sa Quezon.

Sa naturang programa sa FPJ Arena sa Munisipalidad ng San Jose, namahagi si Pangulong Marcos ng cash assistance na nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa sa 30 piling benepisaryo mula sa lalawigan ng Batangas, Laguna at Quezon.

Nagbigay din ang Pangulo ng presidential assistance sa tatlong provincial government – P24,040,000 para sa Batangas; P17,420,000 para sa Laguna; at P28,810,000 para sa Quezon.

May ilang ahensiya ng pamahalaan ang nagbigay naman ng iba’t ibang tulong gaya ng farm machineries, equipment, fiber boats, seeds, fishing cages, at kung ano-ano pa sa ilalim ng Rice Program, Corn Program, High Value Crops Development Program, National Urban at Peri-Urban Agriculture Program, Livestock Program and Organic Agriculture Program ng Department of Agriculture (DA).

Samantala, sa Cavite, binanggit ni Pangulong Marcos na malapit nang matapos ang LRT Line 1 Cavite Extension Project.

”Ito po ay magbibigay ng kaginhawaan sa ating mga pasahero. Kasalukuyan na rin pong ginagawa ang Cavite-Laguna Expressway-Cavite Segment at South Luzon Expressway Toll Road 4 para maging mabilis at maginhawa ang paglalakbay ng ating mga kababayan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Binanggit din nito ang Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project na magpapagaan sa problema sa baha sa lalawigan.

Iniabot naman ni Pangulong Marcos ang financial aid sa provincial governments ng Cavite na nagkakahalaga ng P12,360,00 at Rizal na nagkakahalaga ng P14,510,000, at maging ang P10,000 na cash assistance sa 10 piling benepisaryo bawat isa sa dalawang lalawigan. Kris Jose