Home NATIONWIDE Seafarers’ Hub pormal na binuksan sa Maynila

Seafarers’ Hub pormal na binuksan sa Maynila

Larawan kuha ni Cesar Morales

MANILA, Philippines- Pormal nang binuksan ngayong Hulyo 11 ang Seafarers’ Hub ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa may Mabini St., Manila.

Sa launching ceremony na pinangunahan nina OWWA Administrator Arnell Ignacio at Department of Migrant Workers (DMW) secretary Hans Leo Cacdac, sinabi ng mga opisyal na ang Seafarers’ Hub ay magsisilbing ‘tambayan’ ng mga marino lalo na sa mga matiyagang nag-aaplay at naglalakad ng kanilang mga dokumento.

“Yung mga tambay na mga seaman diyan sa Kalaw, puwede na kayo rito sa Hub, may unlimited pagkain, kape, juice,” sabi ni Ignacio.

Sinabi ni Ignacio na ang Seafarers’ Hub para sa Filipino seafarers ay ang komprehensibong support center na idinisenyo para sa kapakanan, kaligtasan at professional development na pangangailangan ng Overseas Filipino Worker (OFW) seafarers at kanilang pamilya.

Ang inisyatiba na ito ay bahagi ng pangako ng OWWA na pagbutihin ang kalidad ng buhay para sa mga marino sa pamamagitan ng targeted services at support programs.

Sa grand launching ng pasilidad na tinawag na Alagang OWWA: Seafarers’ Welfare Hub, ito ay isang one-stop center na nag-aalok ng rest housing, legal assistance, training, at skill-building services para sa OFW Seafarers.

Mayroon din itong 24/7 na internet connection at local calls upang matawagan o makausap ng seafarers ang kanilang pamilya. Mayroon ding OWWA Program and Helplines –ang information center para sa mga marino upang magtanong ng kanilang karapatan at OWWA programs.

Inihayag naman ni Secretary Cacdac na ang inisyatibang ito ay umaayon sa mandato ng OWWA at  international commitments upang protektahan ang mga karapatan sa paggawa at itaguyod ang disenteng trabaho para sa mga marino.

Dumalo rin sa pagbubukas ng Seafarers’ Hub ang iba pang mga opisyal at kinatawan mula sa OFW partylist, Tingog partylist, Kabayan partylist, Department of Foreign Affairs, Social Security System at ilang manning agency group. Jocelyn Tabangcura-Domenden