MANILA, Philippines – Nagsimula na sa pangangampanya ng lokal na mga kandidato nito ang Makabayan Coalition sa bahagi ng National Capital Region at Bulacan.
Sa Quezon City, nilahukan si Lorevie Caalaman, na tumatakbo bilang District 4 councilor, nina senatorial candidates Jerome Adonis at France Castro, at Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel.
Nagbahay-bahay ang mga ito at ikinampanya ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa at pagpapababa sa presyo ng mga produkto.
Sinamahan naman ni Senatorial Mimi Doringo si Marikina District 2 councilor candidate Rene Mira sa pangangampanya.
Ganito rin ang ginawa ng Makabayan sa Las Pinas City sa pagsuporta kay District 1 councilor aspirants Jinsei Castillo at Pearl Tolentino na sinamahan ni senatorial bet Liza Maza kasabay ng pananawagan na tapusin na ang political dynasty sa lungsod.
“Isulong natin ang pulitika ng pagbabago para sa mga repormang totoong magsisilbi sa taumbayan,” pahayag ni Maza.
Samantala, sa Taguig City naman ay nangampanya sina District 1 councilor candidate Girlie Delos Santos at senatorial aspirant Mody Floranda at inihayag ang mga plano nito sa housing security at karapatan ng mga jeepney driver at operator.
Habang sina Muntinlupa City District 1 councilor aspirants Eli Anaya, Myrna Dela Concepcion, at senatorial bet Ronnel Arambulo ang magkakasama.
Sa labas ng Metro Manila ay nilahukan ni Danilo Ramos ang mga lokal na kandidato sa Malolos, Bulacan na nagsusulong naman ng totoong reporma sa agrikultura. RNT/JGC