MANILA, Philippines – Inihain ni Senador Alan Peter Cayetano ang panukalang “Makakapagtapos Ako Act of 2025” na popondohan ng pamahalaan upang matiyak na makakapag-aral ang lahat mula kindergarten hanggang kolehiyo.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na tungkulin ng pamahalaan na tulungah ang bawat Filipino – anuman ang estado sa buhay — na hindi lang makapasok sa paaralan kundi makatapos sa pag-aaral.
Aniya, ito ang natatanging layunin ng panukalang “Makakapagtapos Ako Act of 2025,” na inihain nitong Huwebes kasabay ng ilang priority bills para sa 20th Congress.
“Layunin ng panukala na dagdagan ang nakukuhang suporta ng mga Pilipinong mag-aaral sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa pamamagitan ng pagsisigurong hindi lang libre ang tuition kundi masasagot din ang iba pang gastusin sa pag-aaral.,” ani Cayetano.
Saklaw ng suporta ang mga mag-aaral sa public kindergarten hanggang graduate school, pati na rin ang mga nasa technical-vocational programs at Alternative Learning System o ALS.
“Our growth through education and lifelong learning is a fundamental right, not a mere privilege,” ayon kay Cayetano sa kanyang explanatory note.
“Yet for many Filipinos, access to quality education remains elusive, often determined more by socio-economic status than by ability and determination,” dagdag niya.
Bagama’t tumaas ang enrollment sa mga pampublikong paaralan matapos ipatupad ang libreng tuition sa elementary, high school, at college, binigyang diin ni Cayetano na maraming estudyante pa rin ang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa mga “hidden cost.”
Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education, kung saan co-chair si Cayetano, nasa 39 porsyento ang dropout rate sa tertiary level sa taong 2025.
Bumaba rin ang education subsidies para sa pinakamahihirap mula 74.24% noong 2018, sa 30.74% na lang noong 2022.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng estudyante sa public basic education ay makakatanggap ng libreng school supplies, uniporme, at learning materials sa simula ng bawat school year.
Para naman sa mga college students, inaatasan ng bill ang bawat lungsod at munisipyo na magtatag ng Local Government Educational Assistance Program na magbibigay ng financial aid sa mga residente na naka-enroll sa mga pampubliko o pribadong kolehiyo at unibersidad.
Prayoridad ang mga mag-aaral na kabilang sa marginalized sectors, kuha ng priority courses, at may mataas na academic performance.
May nakalaan ding ayuda para sa mga kukuha ng licensure exams, mga nagma-masteral o doctorate, at mga estudyanteng naka-enroll sa tech-voc programs.
May target na suporta rin para sa mga may kapansanan, mga miyembro ng indigenous communities, solo parents, at iba pang kabilang sa disadvantaged sectors.
“This bill is anchored on the Christian principle that every single life is valuable. An inclusive society leaves no one behind,” wika ni Cayetano.
Giit ni Cayetano, kulang ang financial aid kung hindi maayos ang kalagayan ng mga paaralan.
Sa ilalim ng kanyang panukala, maglalaan ng P25 bilyon kada taon sa loob ng sampung taon para sa pagpapaayos ng pasilidad, pagpapatayo ng dormitoryo, at pagpapaunlad ng imprastraktura sa lahat ng state universities and colleges.
“By investing in the physical capacity of our public institutions, we complete the support system,” aniya.
Ayon kay Cayetano, ang panukala ay inspired ng student support system na ipinatutupad na sa Lungsod ng Taguig sa ilalim ni Mayor Lani Cayetano.
Sa Taguig, lahat ng college students ay may taunang grant na mula P15,000 hanggang P50,000. Libre ang uniporme at school supplies ng mga estudyante sa pampublikong paaralan, at walang miscellaneous fees. Ang mga galing public elementary na lumipat sa private high school ay may tuition subsidy at allowance din.
“We recognize that education is a vital key to social progress and human development, and we are committed to sharing and realizing this vision for the rest of the country,” wika ni Cayetano.
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, matagal nang isinusulong ni Cayetano ang mga polisiya na hindi lang nakatuon sa access, kundi pati sa kalidad at pagtatapos ng pag-aaral.
“We need to come up with a good law na hindi lang scholarship kundi from birth pa lang, how to get to college, at paano makapagtapos,” sabi niya sa isang pagdinig noong June 9, 2025. Ernie Reyes