Home METRO Makati road rage suspect nahaharap sa kasong murder

Makati road rage suspect nahaharap sa kasong murder

MANILA, Philippines- Nagsampa na ng murder complaint nitong Biyernes laban sa suspek sa pamamaril na ikinasawi ng isang motorista sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati City, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sinabi ni NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Eunice Salas na isinagawa ng Makati City prosecutor ang inquest proceedings laban sa suspek na si Gerrard Yu ng alas-10 ng umaga.

“The NCRPO through the Makati City Police Station has filed murder charges against Gerrard Raymund Talusan Yu, the suspect in the fatal road rage shooting that occurred near the Ayala Southbound Tunnel in Makati City on May 28, 2024,” aniya.

Naisumite na ang reklamo para sa resolusyon sa pag-atras ng suspek sa kanyang karapatan sa preliminary investigation.

Nang tanungin kung itinaanggi niyang siya ang bumaril sa biktima, sinabi ni Yu na tanungin na lamang ang kanyang abogado, kasabay ng apela niya sa media at sa publiko na huwag siyang husgahan, dahil isa umano siyang mabuting tao.

“Si Attorney na lang po. Pasensya na po kayo,” aniya batay sa isang video na naka-post sa X (dating Twitter).

“Nakikiusap ako para sa media, mabuti po tayong tao, hindi po tayo masama. So nakikiusap lang po ako sa mga tao, huwag naman husgahan tayo,” dagdag niya.

Nitong Huwebes, sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na sinuspinde nito ang driver’s license ni Yu.

Ani LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang kanselasyon ng driver’s license ni Yu ang maximum penalty para sa administrative cases nito.

“We already issued a Show Cause Order against him and since he is already under police custody for a case that is non-bailable, he was directed to submit a notarized affidavit on why he should not be penalized,” giit ni Mendoza.

Nitong Martes, nasawi ang 65-anyos na lalaking family driver matapos umanong barilin ni Yu kasunod ng pagtatalo sa tunnel. Kasama ng biktima ang isang kasambahay at pitong taong gulng na batang nakasaksi sa krimen.

Naaresto ng mga awtoridad nitong Miyerkules ang umano’y gunman sa kanyang bahay sa Pasig City.

Isa sa mga baril na nakarehistro sa suspek ang “confirmed through firearms crossmatching to be the one used in the shooting,” batay sa NCRPO.

Nagpositibo ang paraffin test na isinagawa kay Yu at natagpuan ang itim na sasakyan na ginamit sa krimen sa kanyang tahanan, base sa mga awtoridad. RNT/SA