Home OPINION MALA-TELESERYENG PAGDINIG SA MALAWAKANG KORAPSIYON, KINASASABIKAN

MALA-TELESERYENG PAGDINIG SA MALAWAKANG KORAPSIYON, KINASASABIKAN

303
0

HINDI maikakailang kinasasabikan ng publiko ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay sa mga nabistong malawakang korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura, partikular na rito ang flood control projects.

Nahinto kasi ang pagdinig nang magbitiw bilang chairman ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee si Senate President Pro-tempore Panfilo “Ping” Lacson dahil sa tingin niya ay hindi nasiyahan ang kanyang ilang miyembro ng mayorya nang banggitin niya na halos lahat ng Senador ay nagsingit ng pondo sa 2025 budget.

Pero dahil walang may gustong pumalit sa kanya sa puwesto bunga ng pagiging abala na rin nila sa hinahawakang mga komite, muling kinumbinsi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto si Lacson na bumalik sa pagiging chairman.

Hindi kasi nababawasan o humihina man lang ang panawagan kundi lalo pang lumalakas ang panggigigil ng taumbayan na dapat ay mayroong managot sa nangyaring pangungurakot sa bilyon-bilyong salapi sa kaban ng bayan.

Maging ang panawagan sa binuong Independent Commission for Infrastructure na isapubliko ang kanilang ginagawang pandinig ay hindi tumitigil kaya napilitang mag-anunsyo ang chairman ng komisyon na si Ret. Justice Andres Reyes na bubuksan na nila ito o gagawing televise na para masaksihan ng publiko.

Kaya lang, ang pangako ng Chairman na ngayong linggo ito bubuksan sa publiko, biglang nagbago dahil kailangan pa raw nila itong pag-aralan at bumalangkas ng mga panuntunan sa pamamaraan bago raw nila isapubliko ang pagdinig upang hindi makompromiso ang sensitibong impormasyon, pati na karapatan sa ilalim ng Saligang Batas ng resource persons.

Siyempre, laglag na naman ang balikat ng mga umaasa na masusubaybayan na nila ang isinasagawang pagdinig ng ICI pero dahil nag-anunsiyo si Lacson na itutuloy niya ang pagdinig at may sorpresa pa siyang ihaharap na testigo na magbabanggit daw ng mas malalaki pang pangalan, muling nabuhay ang “dugo” ng mamamayan.

Bukod nga pala sa kilalang personalidad na haharap bilang testigo, gusto ring malaman ng taumbayan kung sisipot pa o hindi na ang sorpresang testigong iniharap ni Sen. Rodante Marcoleta na si Orly Guteza.

Hindi na raw kasi mahagilap si Guteza at wala na rin ito sa ibinigay niyang address nang puntahan ng kinatawan ng Senado para sa imbitasyong dumalo sa pagdinig kaya kailangang kausapin ni Lacson si Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor na silang nakahagilap sa sorpresang testigo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here