Home TOP STORIES SB ng Brooke’s Point, nananawagan sa COA na ilabas audit report sa...

SB ng Brooke’s Point, nananawagan sa COA na ilabas audit report sa isyu ng elevated water tanks

400
0

BROOKE’S POINT, Palawan — Nananawagan ang Sangguniang Bayan (SB) ng Brooke’s Point sa Commission on Audit (COA) na agarang maglabas ng audit report kaugnay ng elevated water tank project na dapat ay natapos mahigit siyam na taon na ang nakalipas.

Batay sa SB Resolution No. 98, Series of 2024, hiniling ng konseho sa COA na pabilisin ang paglalabas ng special audit hinggil sa proyekto, na umano’y hindi pa rin natatapos hanggang sa kasalukuyan. Dalawang taon na ang lumipas mula nang ihain ang resolusyon, ngunit wala pa ring inilalabas na opisyal na resulta ng imbestigasyon ang ahensya.

Ayon sa dokumento, ang nasabing proyekto sa ilalim ng Palawan Water Development Program ay ipatutupad sa pamamagitan ng kasunduan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at ng Lokal na Pamahalaan ng Brooke’s Point noong 2016.

Saklaw nito ang pagpapatayo ng anim na elevated water tanks sa mga barangay ng Calasaguen, Ipilan, Aribungos, Pangobilian, Tubtub, at Samariñana.

Nakasaad sa kasunduan na ang Pamahalaang Panlalawigan ang may tungkulin sa konstruksyon at pagpapatrabaho, habang ang Pamahalaang Lokal ang responsable sa pagbili o pagkuha ng mga materyales na gagamitin sa proyekto.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni Councilor Nathan Lacanilao, lumalabas na ilan sa mga proyekto ay nasimulan ngunit hindi natapos, habang ang iba ay hindi pa nasisimulan. Ayon kay Lacanilao, kawalan ng materyales ang isa sa mga tinukoy na dahilan, batay sa naging komunikasyon niya sa Palawan Water Development Office Program Manager na si Engr. John Gil Ynzon.

Naungkat muli ang isyu matapos na humiling ang Brooke’s Point Water System ng pagtataas sa singil sa tubig para sa mga residente.

Sa isang liham ni Councilor Noel Jardin sa COA, hiniling niya ang pagpapalabas ng opisyal na audit report. Ayon sa kanya, na-refer na ito sa Audit Team ng ahensya, at batay sa hiwalay na kautusan, inatasan ang COA MIMAROPA na ilabas ang kanilang findings sa lalong madaling panahon.

Kaugnay nito, inatasan din ng SB ang Municipal Engineering Office, Municipal Accounting Office, Brooke’s Point Water System, at General Services Office (GSO) na magsumite ng kani-kanilang mga paliwanag hinggil sa proyekto.

Samantala, sa isang panig, sinabi ni Vice Mayor Jean Feliciano na ang mga usapin kaugnay ng proyekto ay may kinalaman sa mga dating administratibong proseso. Ayon sa kanya, ilang miyembro ng konseho ay may personal umanong hindi pagkakaunawaan sa kanya, ngunit iginiit niyang bukas siya sa anumang imbestigasyon ng COA upang malinawan ang publiko sa isyu. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here