MANILA, Philippines – Umapela si Gabriela Partylist Rep Arlene Brosas kay Pangulong Bongbong Marcos na i-veto na lamang ang Magna Carta for Filipino Seafarers kung may mga mahahalagang probisyon dito ang matatanggal.
“Despite aiming to protect seafarers, yung Magna Carta of Seafarers ay winater-down. Maraming nawala dun sa mga provisions natin, kinompromise yung rights at saka interests nung mga seafarers natin.Ngayon ang kailangan pong magawa ay pigilan ang Presidente na pirmahan yung ganito,” paliwanag ni Brosas.
Ang Magna Carta for Filipino Seafarers ay makailan beses nang nagkaroon ng rebisyon dahil na rin sa ilang probisyon na may kaugnayan sa monetary claims kapag nagkaroon ng aksidente o a disability habang nasa line of duty.
Ang nasabing panukala ay naendorso na sa Malacanang noong December 2023 subalit muling pinabalik ng Senado.
Sinabi ni Brosas na isa sa kontrobersiyal na probisyon ay ang pagtatakda sa isang seafarer na magpost ng bond sa kanilang monetary claims kung ang kanilang manning agency ay iaapela ang naging desisyon sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) o National Labor Relations Commission (NLRC level) at maging sa korte.
“Mahirap ka na nga, mahirap ka pa makakuha ng hustisya, ganun yung itsura. However, if the seafarer loses, no money will be returned…parang ang ine-insurance mo ay yung gumawa ng damage,” paliwanag ni Brosas.
Depensa ng mga international shipping industry na ang nasabing probisyon ay mahalaga na maisama sa Magna Carta para maiwasan ang “ambulance chasing,” o ang scheme na ginagamit ang naging aksidente ng mga seafarers para makapanikil.
Samantala, umapela si Brosas sa pamahalaan na magbigay ng free legal assistance sa mga seafarers na may monetary claims.
“Kaya sila naghahanap ng mga abogado kasi hindi nila makuha yung kailangan nila. Just imagine hindi sila maka-claim agad ng kung anong mga karapatan nila na makuha nila. So dapat automatic na bayaran yung mga seafarers natin na nagkaka-problema,” ani Brosas.
Plano naman ng Makabayan Bloc sa Kamara na muling ihain ang kanilang bersyon ng Magna Carta for Filipino Seafarers bill kung saan ginagarantiya na mayroon nang security of tenure ang mga seafarers na nakapagtrabaho ng 1 taon sa isang kumpanya. Gail Mendoza