Home NATIONWIDE Malakanyang dedma sa pagkadismaya ng ilang kongresista sa ibinasurang impeachment complaint vs...

Malakanyang dedma sa pagkadismaya ng ilang kongresista sa ibinasurang impeachment complaint vs PBBM

176
0

MANILA, Philippines – IPINAGKIBIT-balikat lang ng Malakanyang ang hayagang pagpapahayag ng pagkadismaya ng iilan lalo na ng 8 kongresista sa naging desisyon na tuluyang pagbasura ng Kamara de Representantes sa mga impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sorry na lang po kasi lumabas po ang katotohanan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro

Nauna na kasing pinagtibay ng plenaryo ng Kamara ang desisyon ng Committee on Justice na nagdedeklarang insufficient in substance ang mga reklamo, sa botong 284-8.

Sa ulat, may ilang indibiduwal kasi ang nadismaya sa desisyon na ito ng Kongreso kung saan isa na rito si Gabriela party-list Rep. Sarah Elago na nadismaya sa tuluyang pagbasura ng Kamara de Representantes sa mga impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.

Para naman kay Cong. Edgar Erice, may nalabag ang House Committee on Justice na bahagi ng Rules of Impeachment matapos ibasura ang impeachment complaints laban kay Pangulong Marcos.

“Sino po ba ang nadidismaya? Walo lang po iyong alam nating nadismaya rito. So, doon sa mga nadismaya, siguro dapat makita po talaga nila kung ano ba iyong nilalaman ng complaint,” ang sinabi ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na hindi aniya talaga puwede kasing gamitin ang mga ganitong klaseng forum para sa isang fishing expedition.

“Makikita naman po nila, hindi lamang po ang 284 na members ng House of Representatives ang nagbasura ng impeachment complaints na isinampa laban kay Pangulong Marcos Jr. kung hindi iyong ibang mga eksperto pa, mga legal experts, constitutionalists na nagsasabing walang basehan ang isinampang impeachment complaints laban sa ating Pangulo,” ang sinabi ni Castro.

Samantala, napaulat na sa botong 284 pabor, 8 tumutol at apat na abstention, ganap na napagtibay ang rekomendasyon ng House Committee on Justice para tuluyang idismis ang 2 impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos dahil umano sa kawalan ng kabuluhan o nilalaman.

Napagtibay sa plenaryo ang Committee Report (CR) No. 111 na isinumite ng Justice panel kaugnay ng House Resolution (HR) No. 746 o ang “Resolution Dismissing the Complaints for Impeachment” na inihain nina Atty. Andre De Jesus at Liza Maza, Teodoro A. Casiño, Renato Reyes, Jr., Atty. Neri Colmenares, et al laban kay Pangulong Marcos.

Inisponsoran naman sa plenaryo ang CR No. 111 at HR No. 746 ni Justice panel Chairperson Gerville Luistro na iginiit na ang desisyon ay nakaangkla sa constitutional standards, rulings ng Korte Suprema at ng panuntunan ng Kamara sa impeachment.

Binigyang diin ni Luistro na ang desisyon ng mayorya ng mga mambabatas ay sumasalamin sa makatotohanang pagtalima ng Justice panel sa istriktong panuntunan ng 1987 Konstitusyon.

Ayon kay Luistro, tungkulin ng mambabatas na timbangin ang katotohanan o sadyang mapanira lamang dahilan ang mga Kongresista ang boses ng bawat Pilipino sa plenaryo kung saan bagaman ‘sufficient in form’ at ‘insufficient in substance’ ang nasabing mga reklamo. Aniya ang hinala ng publiko ay hindi sapat na pruweba sa reklamo laban kay Pangulong Marcos.

Kabilang sa mga nadismis na impeachment complaint ay ang inihain ni Atty. Andre de Jesus na inindorso ni Pusong Pinoy Rep. Jernie Nisay at ang inihain ng progresibong grupo sa pangunguna ni Liza Maza ng Makabayan Coalition na inindorso ng Makabayan bloc. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here