MANILA, Philippines – TINIYAK ng Malakanyang sa publiko na hindi makikialam si Pangulong Ferinand Marcos Jr. sa preventive suspension na ipinalabas ng Office of the Ombudsman laban kay Cebu Governor Gwendolyn ”Gwen” Garcia.
”Hindi po gagawin ng Pangulo ‘yan,” ang sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Binigyang diin ni Castro na paninindigan ng Pangulo ang rule of law.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat na pagkalooban ng due process si Governor Garcia matapos na ipag-utos ng Office of the Ombudsman ang kanyang preventive suspension.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan na itaguyod ang tuntunin ng batas at ang due process ng bansa lalo na’t ang suspensyon ay ginawa ilang linggo na lamang bago ang Eleksyon 2025.
”Let me be clear: in a time like this—so close to the elections—it is vital that we uphold the rule of law and observe due process. Any action that affects the mandate of a duly elected official must go through the proper channels and in accordance with the Constitution and the Omnibus Election Code,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Tinuran pa ni Pangulong Marcos na nagsilbi si Garcia sa Cebu province ng may ‘strength and consistency.’
”Until all legal questions surrounding this suspension are resolved, she deserves to be treated fairly and with the respect owed to her office,” ang naging pahayag ni Pangulong Marcos.
”Let us not allow politics to get in the way of public service. We must always be guided by the law, by prudence, and by what is best for the Filipino people,” dagdag na wika ng Pangulo.
Sa ulat, Ilang linggo bago ang eleksyon, sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Cebu Governor Gwen Garcia ng anim na buwan dahil sa umano’y “alleged grave abuse of authority,” bunga ng inilabas na special permit sa isang construction company nang walang legal na basehan.
Sa mensahe sa mga mamamahayag, inihayag ng Ombudsman na isinilbi kay Garcia ang suspension order nitong Lunes, April 28, o 14 araw bago ang May 12 midterm elections.
Tumatakbo si Garcia para sa kaniyang ikatlong termino bilang gobernador ng Cebu.
Batay sa reklamo ng isang Moises Deiparine, binigyan umano ni Garcia ng special permit ang Shalom Construction, Inc. noong May 14, 2024 kahit walang Environmental Compliance Certificate (ECC) o Certificate of Non-Coverage (CNC), na mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), o walang naunang study/consultation sa ibang kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Isa ang Cebu sa mga lalawigan na may pinakamaraming botante na umaabot sa 3.4 milyon. Kris Jose