
MANILA, Philippines – Blanko pa ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa motibo sa pananambang sa 3rd nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist noong Lunes ng gabi.
Sa Meet the Press Weekly forum, sinabi ni Office of the District Director Administrator PCol Roderico Roy Jr, na may sampung araw pa ang kapulisan na magsagawa ng validation para malaman ang motibo at kung ang nangyaring pamamaril ay isang uri ng election-related violence.
Ngunit ayon kay PCol Roy, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon ay sugatan ang isa sa suspek at may koordinasyon na sila hindi lamang sa buong National Capital Region (NCR) kundi sa kalapit na probinsya tulad ng Region 3 at Region 4 na magsagawa rin ng koordinasyon sa mga ospital kung may na-admit na may gunshot wounds upang malaman kung ito ay sangkot sa krimen.
Sinabi naman ni MPD spokesperson Major Philipp Ines, na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon at follow up operation at katunayan aniya ay mayroon silang kumperensya para sa ilang update kaugnay sa insidente.
