Home HOME BANNER STORY Malakanyang, itinangging may halong politika sa P500-M pondo sa Robredo Coliseum

Malakanyang, itinangging may halong politika sa P500-M pondo sa Robredo Coliseum

1
0

MANILA, Philippines — Itinanggi ng Malacañang na may motibong pampolitika sa paglalaan ng P500 milyon para sa retrofitting at modernization ng Jesse M. Robredo Coliseum sa Naga City.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi nakabatay sa political affiliation ang pagbibigay ng tulong ng national government sa mga local government unit kundi sa kanilang pangangailangan at sa kakayahan ng gobyerno na tugunan ang mga ito.

Ginawa ni Castro ang pahayag matapos kuwestiyunin ni Caloocan City Rep. Edgar Erice ang distribusyon ng Local Government Support Fund at iugnay ang ayuda sa umano’y pagsisikap ng administrasyon na makuha bilang kaalyado si dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo.

Noong Pebrero, ini-turn over ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang humigit-kumulang P500 milyon sa Naga City sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order para sa pagkukumpuni at pagpapalakas ng coliseum.

Kabilang sa proyekto ang structural strengthening, pagpapahusay ng roofing at sanitation facilities, at pagtatayo ng community kitchen na maaaring gamitin sa panahon ng kalamidad.

Samantala, sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na nag-ugat ang proyekto sa isang disaster-safety request noong 2025, bago pa inilabas ng national government ang pondo, at itinanggi rin niyang may kaugnayan ito sa political alliance-building.

Ang Jesse M. Robredo Coliseum ay nagsisilbi ring evacuation at relief center sa Naga City bukod sa pagiging venue ng malalaking sporting, cultural at public events. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here