MANILA, Philippines- Panahon na para tugisin ang mga indibidwal na pinagmumulan ng ‘disinformation at misinformation.’
Sa isang ambush interview, ikinalungkot ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ang epekto ng fake news ay nagiging “very devastating,” lalo pa’t nakaaalarma na ang pagsirit nito sa internet.
“It’s not only the Philippines. It’s the entire world that is suffering the brunt of the deceit that is derived from fake news. Napaka saklap. Dapat talaga maprosecute iyan,” ang sinabi ni Bersamin.
Nauna rito, nagpasaklolo na ang National Bureau of Investigation sa International Criminal Police Organization o Interpol para hulihin ang mga taong nagpapakalat ng fake news.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na kahit ang mga Pinoy na naninirahan sa ibang bansa na pinagmumulan ng pekeng balita ay dapat managot sa tulong ng Interpol.
Matatandaang bukod sa NBI, sinabi na rin ng Department of Justice (DOJ) ang planong magpatupad ng mas malalim na imbestigasyon upang malaman at mahuli ang mastermind sa likod ng mga pagpapakalat ng fake news.
Sinabi pa ni Bersamin na hahayaan ng Malakanyang ang NBI na gumawa ng kaukulang aksyon laban sa mga nagpapakalat ng fake news.
“‘Yung mga operations na yan, we leave that to the people who are on the operating line. Because if we make announcements, then there is a variance from them. It’s not easy to explain. We might be contradicting each other. So, we leave that to NBI if it is going to implement a course of action like that,” aniya pa rin.
Samantala, pinaigting naman ng Presidential Communications Office (PCO) ang kampanya nito laban sa fake news, naaayon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Kris Jose