MANILA, Philippines – Ipinaalala ng Malacañang nitong Martes na dapat manatiling apolitical ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang uniformed personnel sa gitna ng mga ulat ng destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng isyu ng korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro: “Tama naman po. Ito pong pagpuprotesta na ito ay huwag nating ihalo iyong mga military, uniform personnel dahil ang protestang ito ay manggagaling talaga sa taumbayan at hindi po sila dapat gamitin para magkaroon ng destabilization.”
Bago nito, muling tiniyak ng AFP ang kanilang katapatan sa Konstitusyon at nagbabala laban sa paggamit sa mga sundalo at pulis para sa pansariling interes sa pulitika.
Dagdag ni Castro, nirerespeto ng Pangulo ang karapatan ng taumbayan na magpahayag ng hinaing, ngunit hindi ito dapat gamiting dahilan para pabagsakin ang gobyerno.
“Muli, ang Pangulo ay nirirespeto ang mga tinig ng taumbayan… Huwag lamang pong haluan ng ibang intensyon para mismong gibain ang gobyerno, iyan po ay labag sa batas,” aniya. RNT