MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang ang paratang na may kaugnayan ang PHP7.5 bilyong pondo ng gobyerno sa Office of the Executive Secretary (OES), at tinawag itong “fake news.”
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang alegasyon na ibinatay sa tinaguriang “Cabral files” na nakuha umano ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ay hindi pa beripikado.
“Mas mahirap tugunan ang mga dokumentong hindi nakikita, mahirap tugunan ang mga dokumentong puro insinuations, mahirap tugunan ang mga dokumentong wala pang anumang basehan at wala pang ebidensya ng anumang anomalya,” ani Castro.
Dagdag niya, mariin na itinanggi ng OES ang paratang.
“At nakausap din naman natin ang Office of the Executive Secretary… ang pinatutungkulan pong ito ay tinaguriang fake news,” sabi niya.
Nauna nang nanawagan si Leviste ng imbestigasyon sa PHP7.5 bilyong DPWH infrastructure projects para sa 2025 na umano’y may markang “OP (ES/SAP)” bilang proponent, kasabay ng isinasagawang pagsisiyasat sa flood control anomalies.
Nilinaw naman ni Castro na walang kaugnayan ang usapin ng flood control sa posibleng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“Hindi naman po konektado ang flood control mess sa impeachment complaint kung isasampa man ito kay Bise Presidente,” ani Castro.
“Iba po ang isyu ng kinapapalooban or kinakasangkutan ng Bise Presidente at iba naman po iyong flood control projects,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi makikialam ang Malacañang sa deliberasyon ng Kongreso at patuloy na magtatrabaho ang administrasyon upang panagutin ang dapat managot.
“At alam po naman natin na hanggang sa ngayon, ang Pangulo at ang administrasyon ay patuloy na nagta-trabaho upang mapanagot ang dapat na mapanagot,” aniya.
Dagdag pa niya, nasa mga mambabatas ang desisyon ukol sa impeachment at dapat itong ibatay sa ebidensya, konsensya, at batas.
“Hindi siya dapat depende ang anumang desisyon patungkol sa impeachment complaint… sa outcome ng pag-iimbestiga sa flood control projects,” sabi ni Castro. (KRIS JOSE)