Home NATIONWIDE Malakanyang: PBBM tikom sa isyu ng impeachment ni VP Sara

Malakanyang: PBBM tikom sa isyu ng impeachment ni VP Sara

MANILA, Philippines- Tila tikom na ang bibig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang sinabi lamang sa kanila ay nananatili ang posisyon ni Pangulong Marcos ukol sa impeachment ni VP Sara.

“Hindi po eh. Makailang beses po kaming nagkita ni Pangulo, pero hindi po talaga niya nababanggit ‘yung impeachment sa amin. ‘Yun pa rin po, ‘pag tatanungin namin, let’s say tatanungin ‘yung impeachment, tungkol dito sa calling for special session, ang lagi lang binabato sa’min is ‘yun pa rin ang stance ng Pangulo,” ang sinabi ni Castro.

“So wala pong pagbabago,” dagdag niya.

Nauna rito, hayagang sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagsasampa ng ‘impeachment complaint’ laban kay Vice President Sara Duterte ay walang katuturan at wala umanong magandang maidudulot sa buhay ng bawat Pilipino.

Ayon pa sa punong ehekutibo, kukunin lamang ng paghahain ng impeachment ang malaking oras ng House of Representatives at Senado.

Nilinaw ni Pangulong Marcos na wala siyang kinalaman sa impeachment proceedings sa Kamara at Senado laban kay Vice President Sara Duterte.

Iginiit ng Pangulo na noong unang ginawa niya ang pahayag na tutol siya sa impeachment laban sa Vice President ay wala pang nakahain na impeachment sa Kamara.

“Walang role ang ­executive sa impeachment,” giit pa ng Pangulo.

Nilinaw din ni Pangulong Marcos na kahit isa sa kanyang kaalyado sa Kamara ay walang naghain ng ­impeachment dahil na rin sa kanyang pakiusap subalit hindi na niya ­mapipigilan ang ibang grupo tulad ng Maka­bayan bloc, si dating Senador Leila de Lima at ibang religious group na ­maghain ng ­impeachment.

Subalit sa sandaling maihain na rin aniya ang impeachment sa Kamara at Senado ay walang ibang magagawa kundi sundin ang proseso dahil mandato ito ng Kongreso.

Ang tanging napag-usapan lang nila ng kanyang mga kaalyado ay kung ano na ang mangyayari at plano ng Kamara dahil hindi na maiiwasan ang impeachment at naipasa na rin ito sa Senado. Kris Jose