Home HOME BANNER STORY Malakanyang pumalag sa pagso-sorry ni VP Sara sa publiko sa pagtulong kay...

Malakanyang pumalag sa pagso-sorry ni VP Sara sa publiko sa pagtulong kay PBBM sa 2022 prexy polls

198
0

MANILA, Philippines – PINALAGAN ng Malakanyang ang paghingi ng tawad sa taumbayan ni Vice-President Sara Duterte dahil tinulungan niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong 2022 presidential elections.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sa halip na ipaghingi ng tawad ni VP Sara sa taumbayan ang pagtulong niya sa Pangulo noong nakaraang halalan, kung hanggang ngayon ay marami pa ring Pilipino ang nalulunod sa baha nang dahil sa malawakang korapsyon, kung lantaran ang pang-aabuso ng mga institusyon para pansariling interes ng mga politiko, kung kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang nananatiling kapos ang kita ng bawat pamilya, kung wala man lang tunay na seguridad sa pagkain at kung may nagkakasakit at binabawian bigla ng buhay dahil sa kakulangan ng maayos at epektibong healthcare system ay marapat na ihingi rin niya ng tawad ang mga nagawa ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sa ilalim ng liderato nito.

“Una po, mas dapat niyang inunang humingi ng tawad sa taumbayan lalong-lalo na sa mga biktima ng EJK. Dapat niya rin pong ihingi ng tawad at nakalimutan niya nang siya ay magsabing mayroon siyang kilalang assassin at handa siyang magpapatay at ang assassin na ‘to ay nag-agree or sumang-ayon sa kaniyang plano. Dapat ihingi niya rin ng tawad ang mga fake news na ibinandera niya sa taumbayan,” ani Castro.

“Ipaghingi niya rin po ng tawad ang mga pagbabakasyon, personal trip, at itong 2025 ay gumastos ng seven million – if I may not mistaken – 2025, gumastos ng seven million for the staff and security for her personal trips. Dapat po rin niyang hingi ng tawad nang tinanggap niya ang pagiging secretary ng DepEd, kahit inamin niya na wala siyang kaalam-alam sa pagiging secretary ng DepEd at pati ang MATATAG curriculum ay hindi niya na-review dahil inamin niyang wala siyang alam – malaking kasalanan po iyan sa taumbayan,” ang winika pa rin nito.

“At dapat din po niyang ihingi ng tawad ang puro paninira instead na siya ay magtrabaho at tumulong sa gobyerno. Matatandaan ninyo siguro nang sinabi niyang siya ay may alam diumano na mapababa ang presyo ng bigas pero hindi niya gagawin dahil wala siyang balak tulungan ang Pangulo. Iyan po ay isang kasalanan sa bayan na dapat niyang ihingi ng tawad,” aniya pa rn.

“Ihingi na rin niya po ng tawad iyong mga fake na student vouchers na ngayon ang sabi ng DepEd ay umaabot na sa halagang 200 million pesos. Ihingi niya na rin po ng tawad ang mga panis at nabubulok na pagkain na idiniliber [delivered] sa mga mag-aaral natin, pati po iyong mga missing school materials na hindi na-deliver sa mga estudyante. Ilan lamang po iyan sa dapat niyang ihingi ng tawad sa bayan,” ang litaniya ni Castro.

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na sariling opinyon ng Makabayan bloc ang sinabi nito na gagamitin lamang na kalasag ni VP Sara sa inihaing impeachment complaint laban sa kanya ang premature presidential bid nito.

“Maaari, kanilang opinyon,” ayon kay Castro sabay sabing “pero dapat tandaan po natin… balikan po natin dahil sa sabi niya para ma-shield siya sa mga impeachment complaints. Hindi po basta-basta ito dapat mahadlangan ng anumang pagreklamo laban sa kaniya. Sinabi niya kanina na hiningi niya ng tawad dahil nalulunod tayo sa baha pero tandaan po natin, ilan po bang flood control projects mayroong itinatag diumano ang kaniyang ama? 13,917 na flood control projects na mukhang hindi naramdaman dahil kung mayroong 13,917 flood control projects dapat naramdaman natin at medyo humupa ang pagbaha sa Pilipinas.”

“Huwag niya rin pong kalimutan, ito, akin pong kinuha na mga report: 2016, mayroon pong local name na bagyo na Niña na nagdulot din ng pagbaha; 2017, Urduja; 2018, Ompong nagkaroon ng massive landslide sa Benguet; 2019, Tisoy; 2020, Ambo – lahat po ito ay may pagbaha; taong 2020, Rolly – ito po ang strongest landfalling typhoon noong 2020; nandiyan din po ang Ulysses, Odette at Agaton. So, hindi pupuwedeng magmalinis na walang nangyaring pagbabaha sa panahon ng kaniyang ama,” aniya pa rin.

Ipinakita rin ni Castro ang ibang report sa Malacanang Press Corps (MPC) na magpapatunay sa kanyang mga sinabi.

“At aking ipapakita: 2021, nagkaroon po ng malawakang pagbaha sa Davao City kahit walang bagyo – ito po ang isa; at ang sumusunod—ito lamang po ang aking nai-print at marami pa po if you will research. “Duterte’s sluggish Typhoon Rai Recovery Spending,” ‘Ayan po ang nangyari taong 2021. Hindi niya po makakaila ang mga pangyayaring ito kaya huwag niyang ipahid lamang sa Pangulo ang sinasabing pagbabaha dahil kung mayroon pong naganap na mga Build, Build, Build at kung talagang walang ghost project ang dating nakaraang administrasyon, hindi na mararanasan ang ganitong klaseng pagbabaha.”

“2018: “Faced with disaster, Duterte falls from view.” Ito po, at that time ay wala at hindi makita ang dating Pangulong Duterte. So, ang mga isyu pong ito, marami pa po siyang dapat na ihingi ng tawad, akin pong i-enumerate at mukhang nakalimutan niya itong ihingi ng tawad,” aniya pa rin. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here