MANILA, Philippines- Nanawagan ang Malakanyang sa mga bangko na mag-isip ng bagong polisiya para mapahupa ang cyber fraud at pag-atake.
Ito’y matapos na ang financial institutions na pinangasiwaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay mawalan ng P5.82 billion mula sa cyberattacks noong 2024, mas mataas kaysa sa 2.6% mula sa naitalang P5.67 billion halaga ng pagkawala o lugi noong 2023.
“In line with that, atin din pong hinihikayat na magkaroon din po ang mga bangko, mabago ang kanilang mga internal policies patungkol po dito,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Binigyang-diin ni Castro ang pangangailangan na palakasin ang cyber resilience ng financial sector.
Sinabi pa niya na may mga infomercials at information dissemination para tulungan ang publiko na huwag maging biktima ng scams.
“Nag-e-evolve po talaga ang paggawa ng krimen. So, kailangan din po ang mga proyekto natin, ‘yong ating mga panuntunan dito ay dapat nag-a-upgrade din po,” dagdag na wika nito.
Sa ilalim ng BSP circular, “all supervised financial institutions are mandated to submit regular and event-driven reports covering technology-related information, as well as incidence of major cyberattacks.”
“The number of reports on crimes and losses submitted by supervised institutions has increased from 40,780 in 2024 to 40,572 in 2023,” ayon sa data ng Bangko Sentral.
Ang nangungunang cybersecurity risks na kinaharap ng BSP-supervised institutions noong nakaraang taon ay phishing, “card-not-present” fraud, account takeover o identity fraud, at hacking.
“Estimated losses due to phishing and card-not-present fraud rose to PHP1.8 billion and PHP1.5 billion, respectively,” ang sinabi ng BSP. Kris Jose