PANGASINAN- Swak sa kulungan ang isang 33-anyos na tricycle driver sa Sta. Barbara ng lalawigang ito matapos masamsaman ng baril at hinihinalang shabu nang ipatupad ng mga awtoridad ang dalawang search warrant na inilabas ng korte laban sa kanya.
Ayon sa mga awtoridad, ang suspek ay residente ng naturang bayan.
Bandang alas-3 ng umaga nitong Miyerkules, Marso 26 nang ikasa ng mga awtoridad ang search warrant dahil sa paglabag sa RA 10591 at RA 9165 laban sa suspek na tumagal hanggang alas-5:40 ng umaga.
Sa naturang operasyon, nakarekober ang mga awtoridad ng pitong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Tinatayang may kabuuang isang gramo at nagkakahalaga ng P7,480 ang nasamsam na hinihinalang shabu.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakarekober din ang mga awtoridad ng isang cal. 22 revolver na walang serial number at may dalawang bala.
Ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya ay ginawa mismo sa harap ng mga mandatory witness at ng suspek. Rolando S. Gamoso