MANILA, Philippines- Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na hindi magagamit ng sinumang kandidato ang mga social workers na nangangasiwa sa pagkakaloob ng ayuda sa mga benepisyaryo nito.
Sa press conference kanina (Huwebes), sinabi ni Secretary Gatchalian na trabaho lang na magserbisyo sa mamamayan ang hangarin ng kanilang social workers at hindi para magpagamit sa politika.
“Hindi natin papayagang magamit ng mga kandidato o sino mang indibidwal sa mga ipinamamahaging tulong ng ahensiya (DSWD) ngayon panahon ng election,” ayon kay Sec. Gatchalian.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na kung magkaroon man ng mga ganitong isyu, dapat aniyang ireklamo ito sa kanyang tanggapan dahil may kaakibat itong parusa alinsunod sa CSC rules.
Nilinaw din ni Gatchalian na hindi pinapayagan ng DSWD ang sinumang politiko na pumasok sa payout centers at maglagay ng campaign materials.
“Kung ang pay out ay gagawin sa labas ng bakuran ng DSWD, may mga field officers naman na nakabantay para maiwasan magamit ng mga kandidato” sabi pa ni Gatchalian.
Kaugnay nito, tiniyak din ng DSWD chief na sa payout centers ng DSWD siniguro din nito na ang social workers ng ahensya ang siyang namamahala at nangangasiwa sa pamimigay ng tulong. Santi Celario