MANILA, Philippines- Umapela si OFW Partylist Rep. Marissa Magsino sa gobyerno na huwag idamay ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa usapin ng politika.
Ang apela ay ginawa ni Magsino sa harap ng naging banta na maaaring suspendihin ang tax exemptions ng mga OFW.
Matatandaang una nang nagbanta ang ilang OFWs ng zero remittance bilang protesta sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tila hindi nagustuhan ni Presidential legal counsel Juan Ponce Enrile ang banta ng cancel remittance kaya naman ipinahiwatig nito na kung susunod ang mga OFW sa ganitong hakbang ay maaari namang ang gawing kapalit ng Kongreso ay kanselahin din ang tax privileges na natatanggap ng OFWs.
“If such an advice [to suspend remittance] is followed by some OFWs, what will happen should Congress, for instance, retaliate and cancel or also suspend the tax privileges of the OFWs that follow the advice?” nauna nang paliwanag ni Enrile.
Para naman kay Magsino ,hindi dapat idamay ng oposisyon at ng administrasyon ang OFWs sa gitna ng tensyon sa politika.
Aniya, bilang mga Pilipino, malaki na ang ambag ng mga OFW sa bansa kaya ang pakiusap nito ay huwag nang mangunang idamay ang mga ito sa mga isyung pampulitika at kultura ng pagtutunggalian.
“Let’s be more diplomatic with the OFWs and spare them from politics,” pagtatapos ni Magsino. Gail Mendoza