MANILA, Philippines – UMAPELA ang Malakanyang sa mga overseas Filipino voters na gampanan ang kanilang ‘patriotic duty’ sa pamamagitan ng maingat na pagboto at may integridad.
Ang panawagan ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga overseas online voting para sa 2025 midterm election ay bumoto nang nararapat at mula sa puso.
“Ang ating mensahe po mula po sa Palasyo ay gampanan niyo po ang inyong tungkulin bilang isang Pilipino. Bumoto po kayo nang nararapat. Bumoto po mula sa puso,” ang sinabi ni Castro.
Pinaalalahanan din ni Castro ang mga overseas Filipino voter na huwag magpadala sa tawag ng ‘financial incentives’ kundi pumili ng lider na ‘patriotic, reliable, at committed’ na magsilbi sa bansa na may integridad.
“Voters should choose leaders who will ensure the country’s sovereignty will not be compromised, ” ayon kay Castro.
“Huwag pong bumoto dahil lamang sa bulong o dahil kayo ay nabayaran kundi iboto niyo po ang mga taong nararapat. Iyong maaasahan po natin. Mga lider na hindi ibebenta ang bansa kahit sa anumang paraan at mga lider na makabayan,” aniya pa rin.
Umaasa naman si Castro na maisasagawa ang isang maayos at episyenteng online voting.
“Sana po mas maging maayos po ito at dahil po ito ay mas mapapabilis po ang pamamaraan ng pagboto ng ating mga kababayan,” ani Castro.
Samantala, ang overseas voting ay nagsimula na, araw ng Linggo, Abril 13, at tatakbo hanggang May 12 ng alas-7:00 ng gabi.