Home NATIONWIDE Malakanyang tatalima sa atas ng Korte Suprema sa PhilHealth funds

Malakanyang tatalima sa atas ng Korte Suprema sa PhilHealth funds

NANGAKO ang Malakanyang na susunod sa magiging utos na ipapataw ng Korte Suprema kaugnay sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) budget.

”Kung ano po ang ipag-uutos ng Supreme Court, iyan po ay susundin natin. Hindi po natin tututulan, hindi po natin lalabanan kung ano po ang inuutos ng Supreme Court,” ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa pres briefing sa Malakanyang.

Sa ulat, sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho. Jr. na napapanahon na para i-overhaul ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kabilang ang pagpapalit ng board nito sa gitna ng kabiguang sumunod sa minamandato ng batas kaugnay sa paggamit ng pondo nito.

Ginawa ng mahistrado ang pahayag sa ikatlong round ng oral argument sa mga petisyon na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng PhilHealth fund transfer sa national treasury nitong Martes.

Dito, kinuwestiyunin ni Kho kung paano ginawa ng PhilHealth ang budget request nito sa General Appropriations Act (GAA) na dapat magmumula umano sa mga koleksyon ng buwis, kabilang ang mula sa sin taxes at gaming revenues, ayon sa iniaatas ng batas.

Inamin ni Department of Health (DOH) Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na kino-compute ng PhilHealth ang budget request nito base sa bilang ng mga indirect members sa kanilang database at hindi bumase sa computation sa sin tax allocation.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Kho ang PhilHealth kung binabalewala nito ang mga legal funding sources nito, na sinagot naman ni Domingo na ang mga inuuna lamang sa prinsipiyo ng pagbabadyet ng PhilHealth ang mga pangangailangan na nakabatay sa alokasyon sa halip na umasa lamang sa mga inaasahang kita ng gobyerno.

Ikinatuwiran naman ni Kho na ang self-imposed funding limits ng PhilHelath ay pumigil sa state insurer na ganap na matugunan ang healthcare needs ng mga Pilipino.

Samantala, hinimok din ni Associate Justice Kho ang PhilHealth na hilingin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ibalik ang P60 billion na pondo ng PhilHealth na inilipat sa national treasury bilang unprogrammed funds.

Iginiit ng mahistrado na dapat gamitin ang naturang mga pondo upang mapalawak pa ang mga benepisyo ng PhilHealth, mapabuti ang mga serbisyo, at kumuha ng karagdagang mga tauhan upang matugunan ang mga pangangailangan sa healthcare ng ating bansa.

Nakatakdang isagawa ang susunod na pagdinig sa Abril 29 kasabay ng inaasahang pagpapasya ng SC sa magiging kapalaran ng kontrobersiyal na PhilHealth fund transfer. Kris Jose