MANILA, Philippines- Walang impormasyon ang Malakanyang hinggil sa napaulat na nag-request ng asylum si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina bago pa siya arestuhin ng International Criminal Court (ICC).
“Wala po kaming ganoong impormasyon na natanggap. Hindi po iyon ang mga lumalabas na info na dumarating sa Palasyo,” ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro.
Sa ulat, isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabi na nag-request si Duterte sa Tsina subalit tinanggihan ito.
Sinabi pa rin ng source na Enero pa lamang ay naghahanda na ang Philippine authorities para arestuhin si Duterte at ipatupad ang ICC arrest warrant bilang bahagi ng Oplan Tugis na inilatag ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group.
Sa tanong kung anong klase ng impormasyon ang natanggap ng Malakanyang, kagyat na sumagot si Castro na: “Na pauwi siya mula sa Hong Kong. ‘Yun lang.”
Sa ulat, pinasinungalingan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang kumalat na balita na nagtungo sa Hong Kong si dating Pangulong Duterte para magpakupkop kay Chinese President Xi Jinping.
Idiniin ni dela Rosa na “fake news” ang ipinakalat na impormasyon at ipinagtatanggol si Duterte na nagmalasakit ito sa mga kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP).
“Sino gumawa ng istorya na yan? Sino gumawa ng istorya na yan sa Total Lie. Fake news yan. Pagod na nga yung tao, pinilit lang niyang bumiyahe dahil nga concern siya sa aming partido. Gusto nya maikampaniya sa Hong Kong. Anong Xi Jinping? Total lie yan!” sabi ni dela Rosa. Kris Jose