Home OPINION MALALAKING GRUPO NG MGA MUSLIM, BUO ANG SUPORTA KAY PBBM

MALALAKING GRUPO NG MGA MUSLIM, BUO ANG SUPORTA KAY PBBM

MUKHANG naglaho na ang malakas na hatak sa publiko ni dating Pangulong Rodrigo
Duterte na taliwas noong bago siya’y maluklok bilang Pangulo at noong kasalukuyang
nasa kapangyarihan.

Dati, kapag nagbitiw ng salita si Tatay Digong, aliw na aliw ang publiko kahit pa nga
kabastusan, kalapastanganan at kawalan ng paggalang sa wastong asal ang kanyang
binibitiwang salita at tuwang tuwa rin ang karamihan kapag siya ay nagmumura at
nagbabantang papatayin ang mga kriminal at sangkot sa ilegal na droga.

Pero ngayon, seryoso na ang dating Pangulo sa kanyang binibitiwang salita, ay iilan na
lang ang natutuwa sa kanya lalo na nang ihayag niyang hihiwalay na upang maging
‘independent’ ang Mindanao sa Pilipinas.

Ngayon, ang dating Pangulo ay kinukuyog ng netizens na noon pa mang siya ay nasa
kapangyarihan ay pumupuna sa kanyang pagkatao at gawi nang pananalita.

Kinukuyog ang dating makapangyarihang opisyal dahil sa binitiwan niyang salita na ang
mga nagdaang president ay hindi nagawang ibangon ang Mindanao.

Sabi ng marami, anim na taon siyang nanungkulan bilang Pangulo, wala siyang nagawa
sa Mindanao at sa halip ibinaon pa sa utang ang bansa.

Naungkat nga ang pagbibigay niya ng “go signal” sa kabuuang P51 bilyong pondo sa
kanyang anak na si Davao 1st District Rep. Duterte  sa loob ng anim na taon pero hindi
naging malinaw kung saan ito ginugol.

Maging ang mga mambabatas, kabilang ang mula sa Mindanao, ay bumabatikos rin kay
Tatay Digong sa kagustuhang ihiwalay sa bansa ang Mindanao.

Dapat siguro ay maghinay-hinay ang dating Pangulo sa kanyang mga aksyon at salita
dahil nawawala na ang mga naniniwala sa kanya at naibabaon na lang niya ang sarili
sa kahihiyan na posibleng makaapekto sa kandidatura ni Vice President Sara Duterte
sa 2028 Presidential Election.

Ang latest, mismong mga kababayan sa Mindanao ni Tatay Digong, pati na ang
malalaking grupo ng mga muslim, ay nagpahayag ng buong suporta sa pamunuan ni
Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Kaya kahit anong gawing panlalait, paninira at pag-alipusta ng dating pangulo kay
PBBM, mukhang mas naniniwala ngayon ang marami sa kakayahan ng Pangulo.

Sa pahayag nga ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Chief Ahod
Ebrahim, kahit marami pa aniyang kailangang gawin upang manatili ang kapayapaan at
kaunlaran sa Mindanao, naniniwala silang matutugunan ito ni Pangulong Marcos.