Home NATIONWIDE Malasakit centers tuloy-tuloy lang – Go

Malasakit centers tuloy-tuloy lang – Go

MANILA, Philippines – TINIYAK ni Senador Christopher “Bong” Go, sa isang ambush interview noong Sabado, Hulyo 29, matapos tulungan ang mga biktima ng baha sa Davao City, ay muling iginiit ang kanyang suporta sa patuloy na operasyon ng Malasakit Centers initiative, isang programa na kanyang pinasimulan limang taon na ang nakakaraan.

Ang inisyatiba, na naglalayong i-streamline ang tulong medikal at pinansyal sa mga Pilipino, mula noon ay nakatulong sa daan-daang libong mahihirap na pasyente sa buong Davao Region, at pitong milyong Pilipino sa buong bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

“Sa ngayon po, it’s raw data, pero mahigit 500,000 patients na po ang natulungan sa buong Davao Region ng Malasakit Center,” ayon sa senador.

Ipinaliwanag pa ni Go na sa kasalukuyan ay mayroong limang Malasakit Centers na nag-ooperate sa Davao Region at may karagdagang isa na nakatakdang magbukas sa lalong madaling panahon sa Davao Occidental. Ang pinakahuling pagpapalawak na ito ay magdadala sa kabuuang bilang ng Malasakit Centers sa anim sa rehiyon, na lalong magpapalawak ng epekto at abot nito.

“Sa ngayon po, ang ating Malasakit Center sa SPMC (Southern Philippines Medical Center) sa Davao City, ang kine-cater po niyan, hindi lang taga-Davao City. Buong Mindanao, pwedeng lumapit diyan,” idiniin pa ng senador.

Ang iba pang Malasakit Center sa Davao Region ay matatagpuan sa Davao de Oro Provincial Hospital, Davao Del Sur Provincial Hospital, Davao Oriental Provincial Medical Center at Davao Regional Medical Center (DRMC).

“Sa ating mga kababayan sa Davao Region, mayroon na pong limang Malasakit Center na handang tumulong sa inyo. Higit 500,000 na pasyente na ang natulungan sa Davao Region alone. At seven million patients na ang natulungan po ng Malasakit Center sa buong Pilipinas,” sabi pa nito.

Malaki ang epekto ng mga sentrong ito sa Rehiyon ng Davao, kung saan ang Malasakit Center sa SPMC lamang ang nakapagsilbi ng humigit-kumulang 212,000 pasyente mula 2019 hanggang kalagitnaan ng 2023.

Samantala, ayon sa kamakailang ulat, ang tulong medikal sa mga mahihirap na pasyente ng DOH ay ibinigay sa pamamagitan ng Malasakit Center sa DRMC sa Tagum City sa 129,432 mga pasyente mula 2019 hanggang Hulyo 2023.

Pinagsasama-sama ng Malasakit Centers ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development, DOH, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office. Ang one-stop shop ay naglalayon na suportahan ang mga mahihirap na pasyente sa pagbabawas ng kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga.

Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program.

Sa ngayon, mayroon nang 158 operational centers sa buong bansa. RNT