MANILA, Philippines – Mahigpit na ipinagutos ni Jose Melencio C. Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police (PNP), ang full-scale investigation at manhunt laban sa mga responsable sa pagpatay sa isang dating beauty queen sa Isabela at isang opisyal ng electric cooperative sa Oriental Mindoro sa magkahiwalay na insidente noong Pebrero 15.
Inatasan niya ang mga Regional Director ng Police Regional Offices 2 (Cagayan Valley) at 4B (Mimaropa) na palalimin ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mahuli ang mga salarin.
“Strong words of condemnation against these cowardly attacks are not enough, we will focus on identifying and arresting all those involved in these two killings in the interest of justice and the rule of law,” ani Nartatez.
Sa Isabela, binaril si Lullete Jane Ramilo-De Guzman, dating Ms Philippines-Earth runner up at kasalukuyang guro, habang nasa loob ng kanyang sasakyan kasama ang kanyang mga anak sa Barangay Cabaritan, San Manuel.
Sa Oriental Mindoro naman, binaril si Antonio M. Mendeja, direktor ng Oriental Mindoro Electric Cooperative, habang pansamantalang huminto upang tingnan ang kanyang sasakyan sa bayan ng Pinamalayan.
Nag-utos din si Nartatez sa lahat ng police commanders na paigtingin ang crime prevention measures tulad ng checkpoints, police visibility, at strategic deployment ng mga tauhan sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operation (EMPO). Kabilang din dito ang mas pinaigting na operasyon laban sa loose firearms at pagtugis sa mga wanted persons na kadalasang repeat offenders.
Hinimok niya ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon kaugnay ng dalawang insidente. RNT/MND