MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ngayong Martes ang isang Malaysian na pinaniniwalaang lider ng sindikatong nagkakalat ng pekeng cell towers na ginagamit sa mga text scam sa bansa.
Ayon kay Alexander Ramos, Executive Director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang suspek ay si Thiang Choon Wee, lider umano ng sindikatong nagbabagsak ng mga International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers.
“Hindi papayag ang gobyernong ito, lalong lalo na ang sambayanang Pilipino, na paglaruan tayo ng mga dayuhang scammer. Lalabanan natin ito,” ani Ramos sa isang press conference.
Ang IMSI catchers, kilala rin bilang pekeng cell towers o “stingrays,” ay mga device na nag-i-imitate ng cell towers upang mag-intercept ng komunikasyon sa mobile phone.
Oktubre noong nakaraang taon sinimulan ng CICC ang pagmamanman sa sindikato at sinigurong mahuli ang lider bago ilunsad ang operasyon.
Ang pag-aresto ay resulta ng pinagsamang operasyon ng CICC, Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group, Bureau of Immigration, at National Telecommunications Commission.
Ginagamit ang mga rogue device na ito sa text scams sa pamamagitan ng pag-engganyo sa mga cellphone na kumonekta sa kanila, na nagpapahintulot sa mga scammer na makuha ang IMSI number ng mga target. Maari itong gamitin upang subaybayan ang lokasyon, sagap ng mensahe, tawag, at data traffic.